
It makes my heart sick when I remember all the good words and the broken promises.
— Hin-mah-too-yah-lat-kekt, popularly known as Chief Joseph of the Wallowa band of the Nez Perce

MAYPAJO, Caloocan City — Bilyun-bilyong pisong pondo mula sa kaban ng bayan ang nalimas sanhi ng mga iregularidad sa pagpapatupad ng mga kontrata para sa mga flood control at mitigation project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) subalit sa kabila ng pagkakasiwalat nito, sinasabing nakapuwesto pa rin at namamayagpag ang ilang mga korap na opisyal ng ahensya kahit natukoy na sila sa imbestigasyon ng ating gobyerno, partikular na ng Independent Commission for Infracture (ICI).
Sa pamumuno ni dating Supreme Court associate justice Andres Reyes Jr. bilang chairman ng komisyon, nagsumite ang ICI ng kanilang report mula sa nakalap na datos sa kanilang imbestigasyon kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., kasama ang kanilang mga rekomendasyon sa pagresolba ng iskandalo ng korapsyon sa imprastruktura.
Ilang matataas na opisyal ng DPWH ang kinasuhan na, bukod sa nag-iisang dating senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. na ngayo’y nakapiit sa kulungan sa Quezon City.
Dangan nga lang sa aming nababalitaan, kulang pa rin ang sinampahan ng kaso dahil hanggang ngayon ay tila ba mga ‘untiuchable’ ang ilang tiwali na nakapuwesto sa ating gobyerno sa kabila ng pangako ng ating Pangulo at maging si public works secretary Vivencio ‘Vince’ Dizon na lilipulin ang mga korap sa pamahalaan.
Bago nabulgar ang korapsyon, sadyang na-rollback ang mga reporma sa proseso ng procurement sa gobyerno at naiwang kulang sa sapat na regulasyon ang campaign finance habang binayaran ng public funds ang mga substandard o ‘ghost’ infrastructure project.
Dahil dito, lumala ang epekto ng mga kalamidad. Sadyang hindi naresolba ang problema sa pagbaha at kahit pa daang bilyong piso ang ginasta ng pamahalaan sa mga flood control infrastructure, patuloy pa ring lumulubog ang maraming bahagi sa buong kapuluan.
At lalo pang nasabotahe ang mga restriksyon sa mga asset declaration at banta sa buhay ng tinaguriang mga whistleblowers. Kay hinihiling ng publiko ang pagbalik ng mga ninakaw na pondong nagmula sa kontribusyon ng mga taxpayer, bukod pa sa paghatol at pagparusa sa mga taong gobyerno ng guilty ng misconduct. Overall, nais ng mamamayan ang mabilis na aksyon upang matigil na ang korapsyong nag-ugat na sa pamahalaan.
Nalustay ang sinasabi’y mula 42.3 hanggang 118.5 bilyong piso (US$713 milyon hanggang US$2 bilyon) simula noong 2023, isang taon makalipas maupong presidente si BBM. Lubhang nangingilabot ang marami sa laki ng iligal na amang naipon ng mga kontratista at sakim na miyembro ng Kongreso mula sa flood control public funds.
Sa mga media investigation, pahayag ni Pangulong Marcos Jr. at mga pagdinig sa Senado at Kamara, sadyang nabulgar ang ilalim ng korapsyon sa ating gobyerno.
Bilyun-bilyong piso na inilaan para sa mga flood control project sa pagitan ng 2016 at 2025 ang ninakaw ng ilang mga indibiduwal mula sa pribado sektor at gobyerno—kabilang na yaong inatasan magbigay ng epektibong oversight. Kabilang sa tinurang mga sangkot ay mga enhinyero ng DPWH, maging mga pribadong kontratista, mga kongresista’t senador na dating mga public infrastructure contractor, mga kamaganak ng dating kalihim ng public works at isang commissioner ng Commission on Audit (CoA).
Noong 2022, 67 miyembro ng Kongreso ang natukoy na mga public works contractor para sa sarili nilang mga state-funded project habang mahigit sa 30 kontratistang nabigyan ng mga government projects ay itinuro namang mga illegal campaign donor sa ilang senador at kinatawan sa Kamara. Ang totoo, nahimok ang mga itong pumuwesto sa gobyerno sanhi ng unregulated campaign finance at mahinang public procurement system na nagpadali ng tiwaling sistema. Hindi sila tumakbo dahil nais nilang maglingkod sa bayan kundi para magkaroon sila ng access sa public funds.
Nasa sentro rito ang DPWH. Sakop ng mandato nito ang ‘planning, design, construction and maintenance of infrastructure’. Kabilang dito ang mga highways at flood control system. Ang mahalagang tungkulin ng ahensya ay mag-provide ng much-needed infrastructure sa ating bansa, na ngayo’y bumagsak na sa antas ng Malaysia at Thailand kaugnay ng road at rail transport na kritikal para sa pag-unlad ng ekonomiya.
Simula noong 2015, labis sa doble ang hinigit ng budget ng DPWH para flood control. Subalit ayon sa Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), kasabay din nito ang pagbasura sa procurement reform na ipinasok noong 2010, na partikular na tumubok sa blacklisting ng mga construction company na may mga kaso ng graft, taglay ang poor performance at may koneksyon sa mga politiko.
Nagrekomenda na ang ICI na sampahan ng kaso ang dalawang senador, dalawang miyembro ng Kamara, maging si dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, isang DPWH engineer at commissioner mula sa CoA. Habang welcome ito sa publiko, kailangang kumilos pa ang Ombudsman, Commission on Elections (Comelec) at CoA upang maipakitang tumutupad sila sa kanilang tungkulin—hindi para protektahan ang makapangyarihan kundi itaguyod ang transparency sa paggamit ng public resources.
Kailangang ipakita ng mekanismo ng mga institusyon ng public accountability, tulad ng Office of the Ombudsman, CoA, Anti-Money Laundering Council (AMLC) at Sandiganbayan, ang kapasidad at awtonomiya nila sa pagtupad ng kani-kanilang mandato.
Nais ng taongbayan na maibalik ang mga ninakaw na public funds at aksyunan din ng ating gobyerno ang korapsyon. Sa isang bansa, tulad ng Pilipinas, na ang self-rated poverty rate ay nasa mahigit 50 porsyento, sadyang kailangang nakalaan ang public funds para sa tunay na public service.
Sa puntong ito, dapat nang ipakita ni Ginoong Marcos Jr. ang mataas na kalidad ng pamumuno, na dapat niyang simulan sa pagresolba sa iskandalo ng korapsyon. Sa kanyang State of the Nation Address (SoNA) nitong nakaraang taon, sinabihan niya ang mga korap na “mahiya naman kayo” at doon na nga siya nangakong aaksyunan ang usapin.
Sana nga’y may maasahan ang sambayanan sa pangako niyang tunay na serbisyo para sa kapakanan ng bawat Pilipino—hindi nga ba ang sabi pa niya, “walang maiiwan” sa Bagong Pilipinas?
* * *
PARA sa inyong mga komento o suhestyon, reklamo o kahilingan, magpadala lang ng mensahe sa aking email na cipcab2006@yahoo.com o kaya’y i-text ako sa mga cellphone number na 09171656792 or 09171592256, during office hours, mula Lunes hanggang Biyernes. Maraming salamat at mabuhay!
ia/mnm
