

MAYPAJO, Lungsod Kalookan — Sa pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan nitong nakaraang Huwebes, Abril 9, hinikayat ng mahal nating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang mga Pilipino na isabuhay ang kagitingan sa bawat desisyon, pagtulong sa kapwa at paninindigan sa tama.
Sa kanyang mensahe, binigyang-pugay ng punong ehekutibo ang tapang at sakripisyo ng mga Pilipinong lumaban para sa kalayaan ng bansa.
Aniya, “maaaring iba na ang mga hamon natin ngayon, ngunit hindi nagbabago ang kailangan upang tayo ay manaig: malasakit, pagkakaisa at pagmamahal sa bansa.”
Subalit sa pagkakadiwalat ng iskandalo ng flood control, nasaksihan ng sambayanan ang salungat: walang pagmamalasakit, pagiging makasarili at pagmamahal sa pera. Ang mga ito ang bumabalot sa katauhan ng mga sangkot sa korapsyon na itinurang mga serbisyo publiko.
Sa kabila ng kanilang pagiging mga tagapaglingkod, marami sa ating opisyal sa gobyerno ang mapag-imbot, sakim sa materyal na bagay at kapangyariham at lulong sa karangyaan at sarap ng buhay.
At nakakatuwa ng banggitin pa ng ating Pangulo na ang tunay na lakas ng bansa ay nasusukat hindi lamang sa panahon ng digmaan, kundi sa kakayahan nitong tumindig at magpatuloy sa kabila ng mga hamon.
Ano bang ibig sabihin niya—ipagpatuloy ang tunay na paglilingkod sa tao o panatilihin ang katiwalian?
Tinukoy ng Pangulo ang kabayanihan ng mga sundalong Pilipino sa Bataan at Corregidor bilang huwaran ng katatagan at sakripisyo. Ang totoo, lumipas na ito dahil ngayon nga ay may mga bayarang kababayan natin na ipinagkakanulo ang ating bansa para sa interes ng mapag-imbot na mga bansa tulad ng Tsina!
Hinimok din ng ating Pangulo ang sambayanan na ipagpatuloy ang diwa ng kagitingan sa araw-araw na pamumuhay upang makamit ang layunin ng isang ‘Bagong Pilipinas’.
Alin bang ‘Bagong Pilipinas’ ang tinutukoy niya—yaong sadlak sa hirap dahil sa korapsyon?
ia/xf
