
ARESTADO ang isang binatilyo, gayundin ang live-in partner ng isang 87-anyos na Lolo matapos mabuking na plinano ng huli ang pagnanakaw at tinangay ang tinatayang P80K halaga ng alahas sa loob ng kanilang bahay sa Naic, Cavite kamakalawa ng umaga.
Hawak ngayon ng Naic Municipal Police Station ang suspek na si alyas John, 18-anyos at alyas Ruby, 39 at live-in partner ng biktimang si alyas Domingo matapos na nabuking sa imbestigasyon na plinano ang pagnanakaw.
Sa ulat pinasok ng suspek na nakasuot ng itim na jacket na may hood at armado ng patalim ang bahay ng nag-live in partner sa Pawikan St., Barangay San Roque, Naic Cavite bandang alas-9:30 ng umaga sa pamamagitan ng pagpasok sa harapang pintuan ng kanilang bahay.
Pagkapasok ng suspek sa bahay, binantaan nito ang matanda habang nakatutok ang patalim sa leeg nito at puwersahang kinuha sa kanya ang suot niyang gintong kuwintas, gintong singsing at relo na nagkakahalaga ng tinatayang P80,000.00.
Matapos nakuha ng suspek ang pakay, ay tumakas ito habang nagsumbong naman ang biktima sa kanilang barangay na siyang nagsumbong sa pulisya.
Pero sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya lumalabas na palabas ang planong pagnanakaw dahil ang ang mismong live-in partner ng matanda ang nagplano at nag-utos.
Dahil dito ay nagsagawa ng follow up ang pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at nabawi ang ninakaw na alahas ng biktima gayundin ang patalim na ginamit. (Gene Adsuara)
ia/xf
