Ni Tracy Cabrera

LAS PIÑAS CITY, Metro Manila — Inamin ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM) na kulang pa ang mga ginagawa ng pamahalaan laban sa pagbaha dahil marami pa ring kailangang gawin upang tuluyang matugunan ang problema.
Ito ang pahayag ng Pangulo matapos inspeksiyunin ang high vacuum self-priming drainage trailer pump na ipinatayo sa may Alido Bridge sa Barangay Zapote sa Las Piñas City.
Ayon sa punong ehekutibo, nagkaroon ng epekto ang patuloy na dredging na isinagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos niya itong ipag-utos.
“Malakas ang ulan noong nakaraang ilang araw at mabuti naman at tama naman dahil sa binigay kong instruction sa DPWH, patuloy yung dredging na ginagawa. Mukhang nagkaroon naman ng epekto, hindi ganoon kalala ang pagbaha, medyo nabawasan,” aniya.
Sabi pa, mas mababaw na raw ngayon ang baha kumpara sa mga nakaraang pagkakataon.
“Dati hanggang sa dibdib, ngayon e wala pa, hindi pa, hindi na, kulang pa sa tuhod ang baha,” pinansin niya habang idinagdag din na hindi pa sapat ang kasalukuyang mga hakbang dahil marami pang kailangang gawin upang mapabuti ang flood control system sa Metro Manila.
Kabilang na sa mga binanggit na pansamantalang napatigil na gawain ay ang matagal na napahintong dredging na nagdulot ng pagkipot at pagbagal ng daluyan ng tubig sa mga ilog at ang naantalang spillway project sa Las Piñas upang magkaroon ng maayos na outlet ng tubig.
Sa huli, nanawagan si Ginoong Marcos Jr. sa mga local government unit (LGU) at gayundin sa publiko na maging responsable sa pagtatapon ng basura upang maiwasan ang paglala ng pagbaha.
“Patuloy ang mga hakbang ng pamahalaan para sa flood control, kabilang ang dredging na isinasagawa kasama ang mga lokal na pamahalaan. Patuloy ang ating gagawin ito dahil hindi pa tapos ang trabaho, marami pa tayong gagawin, ngunit effective ang ating nagawa na sinimulan itong taon na ito. Hindi natin titigilan hanggang matapos iyan. Ang dredging talagang walang tigil iyan, tuloy-tuloy iyan,” pagtatapos niya kasabay ng hiling ng pagkakaisa at kooperasyon ng lahat ng mga stakeholder.
ia/xf
