QUEZON CITY — Nagiging sanhi ng matinding abala sa mga motorista at residente ang kahabaan ng NIA Road sa Quezon City dahil sa umano’y paggamit nito bilang parking terminal ng mga bus.
Sa halip na magsilbing malayang daanan para sa mga sasakyan, kapansin-pansin ang sunud-sunod na nakaparadang mga bus sa gilid ng kalsada na nagdudulot ng pagsisikip ng trapiko at panganib sa kaligtasan ng mga dumaraan.
Dahil dito, nananawagan ang publiko sa Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na agarang aksyunan ang sitwasyon.
Bakit tila pinababayaan ang ganitong malinaw na paglabag? Bakit tila may bulag-bulagan sa nangyayaring paggamit ng pampublikong kalsada bilang pribadong terminal at paradahan?
Ano ang dahilan ng kawalan ng aksyon ng mga kinauukulang ahensya? Nararapat lamang na magkaroon ng masusing inspeksyon at agarang pagpapatupad ng batas upang maibalik ang kaayusan sa NIA Road at maprotektahan ang kapakanan ng mga motorista at mamamayan.
#LTO #LTFRB #NIAROAD #MMDA
