
Ni Tracy Cabrera
MAYNILA, Pilipinas — Kasabay ng pagdiriwang ng Kapistahan ng Sakripisyo o Eid’l Adha, pinarangalan ang Lungsod ng Maynila bilang 2026 Halal Champion dahil sa mga programa at inisyatiba ng pamahalaang lungsod para sa Halal-friendly Philippines.
Personal na tinanggap ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang parangal mula kay Department of Trade and Industry–Halal Industry Development and Promotion Program (DTI-HDPP) Manager Dimnatang Radia.
Iniabot ni Director Radia ang plake sa alkalde matapos mapagkasunduan ng organizer ng awarding initiative na sa Maynila igawad ang rekognisyon, dahil sa pagsulong ng iba’t ibang ahensya ng lungsod na palakasin ang suporta sa halal industry at pagpapatayo ng isang Halal Town.
Sa pagtanggap ng award, ginunita ni Mayor Domagoso ang diwa ng pagdiriwang ng Eid’l Adha, ang pangalawa at isa sa pinakamahalagang pagdiriwang ng mga Muslim sa buong mundo.
Ginaganap ang kapistahang ito bilang paggunita sa kahandaan ni Propeta Ibrahim (Abraham) na isakripisyo ang kanyang anak bilang pagsunod sa utos ni Allah. Gayunman, bago pa man maisakatuparan ang sakripisyo, pinalitan ni Allah ang anak ng isang tupa.
Ayon kay Domagoso, ang tunay na paglilingkod ay nasusukat sa kahandaang magsakripisyo para sa kapakanan ng nakararami.
“Ito ang diwa ng Eid’l Adha—ang pagpapakita ng katapatan sa iyong Panginoong Diyos at sa nasasakupan, habang isinasabuhay ang pagiging matulungin sa kapwa,” aniya.
Sa huli, tiniyak niyang ipagpapatuloy sa ilalim ng kanyang administrasyon ang pagsusulong ng isang pamahalaang may adhikain ng pagmamalasakit, pagkakaisa, at pagkakapantay-pantay para sa kapakanan ng lahat ng Manileño.
ia/xf
