Teksto at larawan ni Tracy Cabrera

LUNETA, Maynila — Pinagmalaking hinayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Jonvic Remulla na nakapagtala ng aabot sa 80 porsyentong pagbaba ng kriminalidad sa bansa nitong unang yugto ng taong kasalukuyan, kasabay ng pagpapatupad ng ‘Safe Cities’ initiative ng kagawaran.
Ito ang dineklara ni Remulla sa Kapihan ng Samahang Plaridel sa makasaysayang Rizal Park Hotel sa Maynila na kung saan ay inanunsyo niyang mas interesado siyang magbalik bilang gobernador ng Cavite kaysa tumakbo para sa mataas na posisyon sa gobyerno sa darating na eleksyon sa 2028.
Kabilang sa mga ipinatutupad na hakbang sa ilalim ng programa ang mas mahigpit na ordinansa ng mga lokal na pamahalaan, gaya ng curfew para sa mga menor de edad, pagbabawal sa pag-inom ng alak sa pampublikong lugar, at regulasyon laban sa paglalakad nang walang suot na pang-itaas at paggamit ng videoke sa dis-oras ng gabi.
Iginiit ni Remulla na kapansin-pansing bumaba ang mga insidente ng krimen tulad ng homicide, murder, shoplifting at rape sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Iyong shoplifting, homicide, murder—lahat bumagsak siya significantly dahil nga wala—mga shoplifting na wala ‘yan dahil nga dito sa mas kaunting tao sa kalye. Ang rape bumaba rin,” saad ng kalihim.
Pinunto rin ng nakababatang kapatid ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na hindi kailangang gumamit ng dahas upang mapanatili ang kaayusan, tulad noong pinairal ang ‘tohang’, kundi sapat ang tuloy-tuloy na pagpapatupad ng batas.
“Nagagawa natin na wala kang dapat patayin; iyan ang importante diyan. Dati ang ginagawang sistema para sa panakot, papatayin,” aniya.
Dagdag pa niya, “Ito, ipapatupad mo lang iyong batas—simple lang, ipapatupad mo, ipapaliwanag mo, bayad ka ng multa, konti lang naman, titiketan.”
Ayon pa kay Remulla, nabawasan din ang karahasang may kinalaman sa mga kabataan dahil sa pagpapatupad ng curfew, na naglilimita sa kanilang pananatili sa lansangan sa gabi.
“Iyong mga bata kasi kapag hindi mo inalagaan yan, maggagraduate yan sa inom . . . shabu, magiging geng geng na ‘yan. ‘Pag genggeng na yan didiskarte na ‘yan. Ngayong nasa bahay na sila, nababawasan yung gang violence sa mga bata,” aniya pa.
Bagama’t wala pang inilalabas na opisyal na datos hinggil sa paggamit ng drug addiction, sinabi ni Remulla na bumaba umano ang supply nito, dahilan upang tumaas ang presyo ng shabu sa merkado.
ia/xf
