NI Tracy Cabrera

House justice committee chairperson representative Gerville Luistro ng Ikalang Distrito ng Batangas.
PINAGTIBAY na ng House Committee on Justice ang kumpletong report na nagtatakda ng probable cause para ikasa ang impeachment kay Vice President ‘Inday’ Sara Duterte-Carpio.
Kasabay nito, iaakyat sa plenaryo ng Kamara de Representante ang Articles of Impeachment para umusad na ang prosesong mag-aalis sa puwesto sa pangalawang pangulo.
Ayon kay House Justice Committee Chairperson Representative Gerville Luistro ng Ikalang Distrito ng Batangas, nakabatay ang report ng komite sa aniya’y “forensic truth” o dokumentadong ebidensya laban kay VP Duterte.
“Natapos na ng komiteng (. . .) ang tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon na magtakda ng probable cause base sa mga ipinakitang ebidensya,” pinunto ni Luistro.
Kabilang sa sentrong isyu sa reklamo ay ang umano’y maling paggamit ng mahigit PhP612.5 milyon na confidential funds, kasama na ang PhP125 milyong pinagparte-partehan umano sa loob lamang ng 24 oras sa Office of the Vice President (OVP).
Binanggit din sa impeachment complaint ang binansagang ‘envelope system’ at mga kaduda-dudang resibo at pekeng pangalan ng mga indibiduwal na kinumpirma ng Philippine Statistics Authority (PSA) bilang mga huwad na benepisaryo.
Tinalakay rin ang umano’y ‘unexplained’ or ill-gotten wealth ni Duterte matapos iulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mahigit PhP6.7 bilyong kahina-hinalang transaksyon na may kaugnayan sa bise presidente at ang kanyang asawang si Ginoong Manases ‘Mans’ Carpio sa kabila ng idineklara niyang net worth na PhP88 milyon.
Bukod dito, isinama rin sa mga batayan ang naging pahayag ni VP Duterte noong Nobyembre 23, 2024 laban kina Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., Unang Ginang Marie Louise ‘Liza’ Araneta-Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, na ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) ay maaaring pumasok sa kasong inciting to sedition at grave threats.
Gayun man, upang matugunan ang mga alegasyon ang impeachment sa pangalawang pangulo ay isang ‘political vendetta’ at paninira laban sa anak ni dating pangulong Rodrigo ‘Rody’ Duterte, binigyang-diin ni Luistro na ang proseso ay alinsunod sa Saligang Batas at pananagutan ng isang opisyal ng pamahalaan.
Sa sandaling naaprubahan na ng hindi bababa sa one-third ng mga miyembro ng Kamara ang Articles of Impeachment, agad itong ipadadala sa Senado na siyang tatayong impeachment court na binubuo ng tinaguriang mga senator judges.
Nagpahayag naman ng tiwala si House Committee on Public Accounts chairman at Bicol Saro party-list congressman Terry Ridon na makakamit ang kinakailangang boto upang maakyat ang kaso sa Senado.
“Iyong boto ng probable cause, 53 votes na po iyon. So, ang kailangan lang naman po namin (ay) 106 votes to impeach. Tingin ko naman, that is a number that will not be difficult to surmount,” idiniin ni Ridon.
ia/xf
