
NABULAGA ang isang sundalo nang akalain nitong makakatulong siya sa dalawang rider na humingi ng assistance pero mga holdaper pala at tinangay ang kanyang bag na naglalaman ng cash, celphone at service firearm sa Kawit, Cavite Lunes ng madaling araw.
Inilarawan ang mga suspek na parehong nakasuot ng kulay itim na jacket, half face na helmet, naka-balaclavia at sakay ng motorsiklo.
Sa salaysay ng biktima na si alyas Muhamedan, isang sundalo na nakatalaga sa Villamor Air Base, sakay siya ng kanyang motorsiklong Suzuki Raider 150 patungo sa kanyang trabaho sa Cillamor Airbase sa Pasay City bandang alas-3:00 ng madaling araw nang pagsapit sa kahaban ng Toclong-San Sebastian Road patungo sa Advincula Road nang napansin niya ang dalawang kalalakihan na kunwaring itinutulak ang kanilang motorsiklong Yamaha NMAX.
Tumigil ang biktima at tinanong ang problema at sinabing nawalan ng gasolina ang kanilang motorsiklo at sa puntong tutulungan niya ang mga ito, biglang nagdeklara ng holdap ang isa sa suspek, tinutukan ng baril ang biktima at sinabihang “Ibigay mo yang bag mo, wallet at cellphone. Yan lang ang kailangan namin.” habang ang isa sa suspek ay kinuha ang susi ng kanyang motorsiklo at sumibat ang mga suspek sa direksiyon ng Evo City.
Laman ng itim na sling bag ng biktima ang kanyang issued firearm na isang Armscor Rock Island caliber 45 na may dala at extra na magazines, wallet na naglalaman ng P700.00 at Infinix GT20 cellphone, military ID, driver’s license, Landbank ATM card, PAR at M.O.
Humingi naman ng tulong ang biktima sa isang nakamotorsiklong Grab driver at nagtungo sa himpilan ng pulisya at ini-report ang insidente. (Gene Adsuara)
ia/xf
