Ni Tracy Cabrera

KAMPO CRAME, Lungsod Quezon —
Kasunod ng insidente ng pagmamalupit sa isang kadete sa Philippine National Police Academy (PNPA), pinagutos ni PNP chief Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. na higpitan ang mga hakbang kaugnay sa kampanya ng pambansang pulisya laban sa hazing at iba pang kahintulad na gawain sa pagtanggap ng mga recruit sa pulisya.
Ayon kay Nartatez, pinag-aaralan na ang mga hakbang upang mapalakas ang mga polisiya ukol sa proseso ng recruitment sa PNPA makaraang mapaulat ang insidente ng hazing sa ilang freshman cadet sa akdemiya.
Hinayag ng hepe ng pambansang pulisya na hinahanda na ang mga reporma upang maiwasan na ang kahintulad na kaso ng pagmamalupit at mapaigting ang disiplina sa mga training institution ng PNP.
“(Right now), new long-term safeguards (a)re being drafted and (these) would undergo consultation with academic experts and other stakeholders before implementation,” saad ni Nartatez.
Kabilang sa mga hakbang na binabalangkas ay ang pinalawig na sistema ng pag-report ng mga pang-aabuso, mas pinadala na inspeksyon at pinaigting na leadership training para sa mga kadete.
Bunsod ito ng napaulat na insidente nitong Abril 3, na kung saan napagalamang 22 first-year kadete ang sumailalim ng abuso at pananakit sa kamay ng ilang senior cadet sa PNPA sa Kampo Heneral Mariano Castañeda sa Silang, Cavite.
Sinasabing nakaranas ng matinding trauma ang mga biktimang kadete matapos magtamo ng mga sunog sa katawan sanhi ng pagpahid sa kanila ng pinaghalong muriatic acid at liquid drain cleaner.
Kaugnay nito, inaresto ng mga awtoridad ang tatlong second-year cadet na tinuturong sangkot sa hazing at sinampahan ng kaso sa ilalim ng Republic Act 11053 o ang Anti-Hazing Law of 2018.
Sinisiyasat din ang posibilidad ng pagkakasangkot ng iba pang mga kadete na sinasabing tumulong sa pagkamit ng mga materyales na ginamit sa insidente.
Inutos din ni Nartatez ang agarang pagsibak sa mga opisyal ng PNPA matapos malamang nananatiling pa rin sa puwesto ang mga ito.
ia/xf
