Ni Tracy Cabrera
PORT AREA, Maynila — Mahigit kalahating bilyon ang naibalik ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary na si Roberto Bernando at ng dating DPWH Bulacan District Engineer na si Henry Alcantara, sa gitna ng kakulangan ng pamahalaan sa pagbibigay ng ayuda sa mga sektor na labis na naapektuhan ng kasalukuyang krisis sa enerhiya.
Bagama’t tila inosente at santo ang kanilang ipinapakita, sangkot sina Bernando at Alcantara sa daan-bilyong pisong anomalya sa mga flood control project na kanilang ipinatupad, kung saan lumitaw na alinman sa mga proyekto ay ‘ghost’ o substandard ang pagkakagawa.
Ayon sa ilang kontratistang nakakakilala sa dalawang opisyal, mistulang walang bahid ng korapsyon ang kanilang ipinakita noong nakapuwesto, subalit nang magsimulang imbestigahan, umarte sila na parang biktima.
“Sabi niya si Bernando, wala daw siya sa mga anomalya o kickback, kasi suweldo lang daw ang inaasahan niya. Pero ‘yon pala, bilyon-bilyong piso ang nakatago sa kanyang condominium!” ani isang may-ari ng private contracting firm, na hindi makapaniwala.
Reaksyon ng publiko sa naibalik na mahigit ₱600 milyon nina Bernando at Alcantara: mas dapat pang lumaki ang halagang ito, dahil tiyak na hindi lamang ang dalawang opisyal ang dapat magbalik ng perang kinulimbat mula sa kaban ng bayan.
Batay sa datos ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), aabot sa daan-daang bilyong piso ang ninakaw ng ilang DPWH officials, kaya kung maibabalik kahit kalahati nito, hindi na mahihirapan ang gobyerno sa pagpondohan ng ayuda at subsidiya para sa mamamayan.
Samantala, iminungkahi ni Akbayan party-list representative Jose Manuel Tadeo ‘Chel’ Diokno na sa halip na ipatago lang sa treasury ang naibalik na pera, mas mainam itong gamitin bilang dagdag na ayuda sa mga apektadong sektor. Ayon kay Diokno, “May ₱611 milyon na ang naibalik mula sa maanomalyang flood control funds, kaya ang suhestyon ko ay ilaan ito para sa pamamahagi ng subsidiya sa mga apektadong sektor. Bakit hindi ito gamitin para sa agarang crisis response? Sa gitna ng taas-presyo, isa sa puwedeng pondohan dito ang service contracting para sa pampublikong transportasyon.”
Batay sa ulat ng Department of Justice (DoJ), mahigit ₱290 milyon ang naibalik ni Bernando, habang ₱110 milyon naman ang isinauli ni Alcantara. Ang natitirang ₱611 milyon ay mula sa iba pang sangkot sa nasabing anomalya.
Ipinunto ni Diokno na ang perang naibalik ay pera ng taongbayan na dapat gamitin, lalo na ngayong nasa gitna ang bansa ng krisis sanhi ng giyera sa Gitnang Silangan.
ia/xf
