
ARESTADO ang isang lalaki matapos umanong gawing punching bag ang mukha ng kanyang live-in partner matapos silang magtalo, at nadiskubre pa ang high-grade marijuana kush at pinatuyong dahon ng marijuana na nakatago sa dalawang banga sa Bacoor City, Cavite kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa kasong physical injury at paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 ang suspek na kinilalang si alyas “Ray” ng San Nicolas 3, Bacoor City.
Sa ulat, bandang alas-6:20 ng gabi kamakalawa nang magkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa sa kanilang bahay sa Nickle St., Barangay San Nicolas 3. Sa gitna ng galit, pinagsusuntok umano ng lalaki sa mukha ang kanyang kinakasama.
Nabatid na dalawang taon nang may relasyon ang dalawa at magkasamang nakatira sa iisang bahay.
Humingi ng tulong ang biktima sa mga barangay tanod na agad rumesponde sa kanilang bahay. Sa pagresponde, namataan ang isang malaking banga na naglalaman ng tinatayang limang gramo ng marijuana kush na may Standard Drug Price na P7,500, at isang maliit na banga na may pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P600.
Agad inaresto ang suspek habang ang biktima naman ay dinala sa ospital upang gamutin ang mga pasa sa kanyang mukha. (Gene Adsuara)
ia/xf
