
MANILA — Tinutugis ngayon ng pulisya ang pitong armadong kalalakihan na tumangay sa isang Tsinoy habang ginapos ang asawa, katulong at tatlong anak nitong menor de edad at humingi ng P50 milyon na ransom, Huwebes ng gabi.
Ang kinidnap ay kinilalang si alyas Monico, habang inilarawan ang mga suspek na nakasuot ng kulay itim na mask, long sleeves at armado ng matataas na kalibre ng baril.
Sa ulat, nakatanggap ng tawag mula sa biyenan ni alyas Jewelry, na humihingi ng tulong dahil ang kanyang asawang si alyas Monico ay tinangay ng pitong armadong kalalakihan.
Sinabi pa na ang mga suspek na armado ng matataas na kalibre ng baril ay puwersahang pinasok ang kanilang bahay sa Lot 4, Block 4, Macopa Road, Justine Ville Subd., Bacoor City, Cavite bandang alas-7:30 ng Huwebes ng gabi at iginapos si Jewelry, kanilang katulong na si alyas Demi, 50; kanilang anak na si alyas Justin, 13; alyas Alexandra, 10; at alyas Micah, 4, at ikinulong sa loob ng comfort room.
Tinangay ng mga suspek ang biktimang si Monico, gayundin ang mga alahas, laptop, gadget at cash.
Kinalas na lamang ang pagkakagapos sa mga biktima nang dumating sa lugar ang kanilang kamag-anak.
Bandang alas-8:45 ng gabi ay nakatanggap ng text si alyas Jewelry na nagsasabing: “Wag kang mag-report, buhay pa ang asawa mo.”
Bandang alas-8:49 ng gabi naman nang makatanggap ng tawag ang kapatid ng biktima na si Jo Ann, kung saan hinihingan sila ng P50,000,000.00 kapalit ng pagpapalaya sa kanyang kapatid.
Dagdag pa sa tawag na kung hindi magbibigay ng pera ay papatayin ang biktima, at kinakailangang maibigay ang nasabing halaga bago mag-alas-1:00 ng madaling araw.
Sa salaysay naman ng kanilang kapitbahay, sinabi nito na bandang alas-8:00 ng gabi ay nakita niya ang isang puting Nissan Terra na may plakang NEH 8036, na pagmamay-ari umano ng isang Mr. Chua, na paalis sa nasabing bahay, kasunod ang isang kulay gray na Toyota Innova patungo sa direksiyon ng Aguinaldo Highway.
Nagsasagawa na ng backtracking ang pulisya sa mga CCTV upang matukoy ang dinaanan ng mga suspek at posibleng pagkakakilanlan sa kanila.
(Gene Adsuara)
ia/
