
MANILA — Nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya matapos matagpuan ang isang 60-anyos na negosyante na patay sa loob ng isang multicab sa Indang, Cavite kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang biktima na isang nagngangalang Vince, may asawa, na nakatira sa Purok 5, Brgy. Banaba Cerca, Indang. Ayon sa pulisya, posibleng ilang oras na siyang patay nang matagpuan.
Kasalukuyang iniimbestigahan ang pagkakakilanlan ng suspek.
Ayon sa saksi na si Jonalen, nadiskubre niya ang biktima sa loob ng multicab na may plakang NIL 5974 sa kahabaan ng farm-to-market road sa Brgy. Banaba Cerca, Indang, bandang alas-6:20 ng umaga. Napansin din niya na may dalawang butas sa windshield ng multicab na pinaghihinalaang tama ng bala.
Ani asawa ng biktima, galing ito sa kanilang tindahan sa Calobcob, Naic at umalis bandang alas-10 ng gabi patungo sa kanilang farm sa Banaba Cerca, Indang.
Kasama sa iniimbestigahan ng pulisya kung may kinalaman sa negosyo ng biktima ang motibo sa pagpatay.
Nagsasagawa rin ng backtracking ang pulisya sa mga CCTV camera upang matukoy ang posibleng suspek. (Gene Adsuara)
ia/xf
