Ni Tracy Cabrera
KAMPO AGUINALDO, Lungsod Quezon — Habang lumalala ang tensyon sa pagitan ng Iran at Estados Unidos, nanawagan ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP) sa publiko na manatiling kalmado at huwag mag-panic sa banta ng posibleng pagsalakay mula sa Tehran at mga kaalyado nito.
Ayon sa pamunuan ng AFP, hindi dapat kabahala ang bansa dahil hindi kayang maabot ng mga missile o drone ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran ang teritoryo ng Pilipinas. Pinawi ng militar ang pangamba kaugnay sa kumakalat na haka-haka na posibleng targetin ng Iran ang bansa, partikular ang mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site.
Iginiit ng AFP na walang kredibleng banta o intelihensiyang nagpapakita ng planong pag-atake laban sa Pilipinas. Ayon kay Admiral Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Philippine Navy para sa West Philippine Sea, ang sigalot sa Gitnang Silangan ay isang regional conflict at walang direktang kinalaman sa bansa.
Ipinaliwanag ni Trinidad na ang pinakamalakas na missile system ng IRGC ay may abot lamang na humigit-kumulang 2,000 kilometro, samantalang nasa 7,500 kilometro ang layo ng Pilipinas mula Iran. Dahil dito, malinaw na walang kakayahan ang naturang armas na maabot ang bansa.
Gayunpaman, muling nagbabala ang AFP laban sa pagpapakalat ng maling impormasyon na naglalayong maghasik ng takot at sirain ang pambansang pagkakaisa. Binigyang-diin nila na ang kooperasyon sa ilalim ng EDCA ay nakatuon sa humanitarian assistance, disaster response, interoperability training, at pagpapalakas ng depensang panteritoryo.
Sinang-ayunan ito ni Renato de Castro, eksperto sa foreign policy ng De La Salle University, na sinabi ring masyadong malayo ang Pilipinas upang tamaan ng missile mula Iran. Dagdag pa niya, wala ring proxy state o non-state actor ang Iran sa rehiyon na maaaring magdulot ng agarang banta sa bansa. Aniya, ang kumakalat na impormasyon sa social media ay walang sapat na batayan at hindi dapat agad paniwalaan.
Nauna nang kumalat online ang spekulasyon na maaaring madawit ang ilang EDCA sites sa bansa sa sigalot ng Estados Unidos, Israel, at Iran. Kabilang sa mga pasilidad ang Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Basa Air Base sa Pampanga, Benito Ebuen Air Base sa Cebu, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, at Lumbia Airport sa Cagayan de Oro.
iamigo/
