Ni Tracy Cabrera
Fire Chief Gen. Jesus Fernandez. (Larawan mula sa YouTube)
QUEZON CITY, Metro Manila — Kasunod ng pagkakadiskubre ng malawak na katiwalian sa Bureau of Fire Protection (BFP), sinampahan na ng sunud-sunod na reklamo ang hepe ng ahensya na si General Jesus Fernandez kaugnay ng kanyang pamumunong nabahiran ng sistematikong korapsyon.
Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG), na siyang mother agency ng BFP, naging laganap ang mga iregularidad sa operasyon ng BFP dahil pinairal ng hepe ang ‘tara’ system, kung saan lahat ng transaksyon ng Bureau ay siningitan ng iba’t ibang anomalya.
Sa panayam kay DILG Secretary Juanito Victor ‘Jonvic’ Remulla Jr., sinabi, “Si Fernandez ang head of procurement entity, kaya for the longest time, lahat ng suppliers ng BFP ay kontrolado niya. Walang level playing field dahil pipili lang siya.”
Pinuna ni Remulla ang patuloy na pag-report ni Fernandez sa kanyang tanggapan: “Pumapasok pa eh, ang kapal ng mukha. Doon pa siya sa Fire Prevention Month nag-attend siya. Ako hindi na ako nag-attend baka m*suntok ko eh. Sinabihan ko pa siyang hayop ka, korap ka, pero nagpapakita pa rin sa’kin,” dagdag ng kalihim.
Kaugnay naman ng mga reklamong kakaharapin ng heneral, tinukoy ni DILG Assistant Secretary Jesi Howard Lanete na, “Part 1 pa lang ito dahil marami pang ipapakita tungkol sa systemic environment of corruption sa loob ng BFP.”
Sa huli, nabigla umano si Lanete sa pagpapakita ni Fernandez na para bang inosente siya sa mga anomalya sa kanyang pinamumunuang ahensya.
“Kasama siya sa pag-withdraw ng pera galing sa bangko, kasama siya noong inempake ang pera sa maleta, kasama siya noong inabot ang maleta kay Fernandez. Sa katunayan, nakakuha siya ng litrato ng cash bago ito isumite,” pagtatapos ng kalihim.
iam/
