Ni Tracy Cabrera
Si Senador ‘Bam’ Aquino. (Larawan mula sa Philippine News Agency)
SENADO, Lungsod ng Pasay — Prayoridad ngayon ni Senador Paolo Benigno ‘Bam’ Aquino IV ang paglatag ng pamahalaan ng mekanismo upang matiyak ang kaligtasan, proteksyon, at kahandaan sa repatriation ng mga overseas Filipino workers (OFW) na apektado ng lumalaganap na kaguluhan sa Middle East.
Sa isinusulong na Senate Resolution 321, binigyang-diin ni Aquino ang panganib na maaaring idulot sa mga migranteng Pilipino sa mga conflict-affected area sa Gitnang Silangan, lalo na matapos ang pagkasawi ng Pinay caregiver na si Mary Ann de Vera sa isang drone attack ng Iran sa Tel Aviv, Israel.
“Ang kawalan ng katatagan sa usaping ito ay banta sa buhay at kabuhayan ng ating mga kababayang Pilipino dahil sa lumalawak na saklaw ng mga pagsalakay at karanasang lubhang nakaapekto sa araw-araw na buhay nila sa Middle East,” ani ng senador.
Kailangan aniya ang mabilis na aksyon ng gobyerno upang matiyak na maayos ang pag-monitor, pagtulong, paglikas, at repatriation ng mga kababayan kung kinakailangan.
Tinukoy ni Aquino, pinsang buo ng yumaong dating Pangulong Benigno Simeon ‘Noynoy’ Aquino III, na kabilang sa dapat paghandaan ang pre-identification ng mga evacuation corridor, transport contracting, contingency shelters, at close coordination sa mga host government ng mga bansang apektado ng krisis.
Umapila rin siya na magbigay ang pamahalaang Marcos Jr. ng welfare at legal assistance, bukod sa tulong pinansyal, emergency livelihood support, psychosocial services, at reintegration para sa mga ligtas na nakabalik na migranteng manggagawa mula sa Gitnang Silangan.
iamigo/
