Ni Tracy Cabrera

MANILA — Nakumpiska ng Bureau of Customs (BoC)-Port of Clark, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs (CRK-IATFAID), ang kargamentong naglalaman ng tinatayang 1,675 gramo ng hinihinalang ketamine na nagkakahalaga ng ₱8.375 milyon.
Itinago ang hinihinalang ilegal na droga sa loob ng isang resin figurine ng rabbit o kuneho na ipinadala mula France at idineklarang ‘Indoor Decorative Molded Polyresin Ornament’.
Ayon sa BoC, natukoy ang kargamento matapos makatanggap ng derogatory information mula sa PDEA hinggil sa paparating na parcel kay isinailalim ito sa standard inspection.
Samantala, inutos naman ni PDEA director general Isagani Nerez ang masinsing manhunt laban sa grupong nakapatay ng isa nilang ahente at nakasugat sa isang senior Philippine Marine officer sa isinagawang joint anti-drug operation sa Bongao, Tawi-Tawi.
Ayon kay Nerez, target ng operasyon sina alyas ‘Antonio’, ‘Nasser’ at ‘Abon’, bukod sa dalawa pang hindi nakikilalang lalaki na nakatakas matapos ang halos tatlong oras na engkuwentro.
Nauwi sa matinding bakbakan ang joint operation ng PDEA-BARMM at Philippine Marine Battalion Landing Team-4 laban sa grupo ni Jimhar Jawadil, alyas ‘Boss M’, na isang dating Abu Sayyaf Group surrenderee, sa Barangay Paniongan.
ia/xf
