Ni Tracy Cabrera

MALAKANYAN, Maynila — Aminado ang Department of Budget and Management (DBM) na mayroon pa ring mga unprogrammed at confidential funds sa ilalim ng 2027 proposed national budget subalit mas maliit ang mga ito kung ihahambing sa mga nakalipas ba taon.
Gayunman, tiniyak ni DBM acting secretary Kim Robert De Leon na gagamitin lamang ang nabanggit na mga pondo sa itinakdang layunin kung kinakailangan.
Sa media briefing sa Malakanyan matapos ang pagsusumite ng panukalang budget sa Mababang Kapulungan, sinabi ng kalihim na ang mga unprogrammed appropriation sa National Expenditure Program (NEP) ay may “strict uses” at nakapailalim din sa mga umiiral na patakaran sa paggamit ng public funds.
Nasa ₱111.984 bilyon ang unprogrammed funds sa 2027 budget, pinakamababa mula noong 2019 at katumbas lamang ng 1.5 porsyento ng total expenditure program, na pinakamababa rin mula noong 1991.
Ang unprogrammed appropriations (UA) ay standby financial buffer na isinasama sa national budget upang magamit sa oras na kailangang pondohan ang mga priority program o hindi inaasahang gastusin ng pamahalaan.
Maaari lamang gamitin ang UA kapag may dagdag na revenue collections, bagong tax resources o na aprubahan mga foreign loan.
Sa panig naman ni House committee on appropriations chairperson at Nueva Ecija representative Mikaela Suansing, sinabi ng mambabatas na tulad noong 2026 budget ay mayroon ding UA sa 2027, subalit hindi na papayagang gamitin ito para sa mga infrastructure project.
“We will make sure that the items in the unprogrammed appropriations are those that are really necessary,” pinunto ni Suansing.
Samantala, nasa ₱10.773 bilyon ang alokasyon para sa confidential at intelligence funds sa 2027 budget at sa nasabing halaga, ₱4.368 bilyon ang confidential funds habang ₱6.405 bilyon naman ang intelligence funds, o 8.8 porsiyentong mas mababa kumpara sa nakaraang taon.
ia/xf
