Ni Tracy Cabrera

MANILA — Upang matiyak na magiging ligtas, maayos at mapayapa ang pagsasagawa ng 2026 Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliamentary election, itinalaga na ng Philippine Army ang Task Force 92 na hinugot mula sa 1st Brigade Combat Team (1BCT).
Sa send-off ceremony sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, pinaalalahanan ni 1BCT commander Brigadier General Von Albert Sumergido ang mga miyembro ng TF 92 na panatilihin ang pinakamataas na pamantayan ng propesyonalismo, disiplina, integridad at paggalang sa karapatang pantao sa buong panahon ng kanilang misyon.
Binigyang-diin ni Sumergido ang kahalagahan ng pagiging non-partisan o walang kinikilingan ang mga sundalo sa anumang partido o kandidato sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Bukod sa pagbibigay ng seguridad, magsasagawa rin ang Task Force ng community engagement initiatives at palalakasin ang koordinasyon sa mga katuwang na ahensya upang matiyak na malaya, ligtas at walang banta o pananakot na makaboboto ang mga mamamayan sa BARMM.
Ipinapakita ng deployment ang commitment ng Philippine Army sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa makasaysayang halalang parlamentaryo ng BARMM na nakatakda sa Setyembre 14, 2026.
Binubuo ang TF 92 ng 561 tauhan sa pangunguna ng commanding officer na si Lieutenant Colonel Anacito Naz. Kabilang sa Task Force ang mga unit ng infantry, military intelligence, mortar, explosive ordnance disposal (EOD), K9, civil-military operations (CMO), combat engineers at sustainment.
ia/xf
