
MUNTINLUPA CITY — Ginawaran ng pagkilala ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon ngayong hapon sina Police PMSg Alvin A. Cordero, PSSg Loyd H. Francisco at Pat. John Lee A. Macaraeg bilang pagkilala sa kanilang kabayanihan at katapangan sa pagresponde at pag-aresto sa isang hinihinalang holdaper.
Kasama sa seremonya si Muntinlupa City Police Station Acting Chief of Police PCol. Olivia Cayuhan Ancheta.
Naaresto ng mga pulis ang suspek na si Eduardo M. Baun matapos ang umano’y pagholdap sa isang pampasaherong jeepney noong Agosto 11, 2026, dakong alas-2:15 ng hapon, sa tapat ng Shell Gasoline Station sa East Service Road, Barangay Sucat, Muntinlupa City.
Nag-viral sa social media ang insidente, na mabilis na umani ng atensyon ng publiko.
Kinilala ng pamahalaang lungsod ang maagap na pagkilos at tapang ng mga operatiba na naging daan sa pagkakadakip sa suspek. (Photo by Peter M. Lacang)
elamigo/xf
