Ni Tracy Cabrera

HINDI lang flood control at iba pang proyekto ng pamahalaan ang pinagpapasasaan ng mga government official; maging sa basura ay kumukulimbat ang mga ito, partikular na ang mga alkalde sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ibinulgar ni Baguio City Mayor Benjamin ‘Benjie’ Magalong na umaabot sa 27 porsyento ang kinukuhang ‘kickback’ ng mga local chief executive sa ilang mga bayan mula sa mga kasunduan sa koleksyon at disposal ng basura sa kanilang nasasakupan.
Ginawa ni Magalong ang pagbubunyag ng iregularidad kasunod ng alegasyon ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla noong Sabado na lahat ng mga alkalde, maliban sa alkalde ng Pasig City, Victor Maria Regis ‘Vico’ Sotto, ay may pinakamalaking negosyo sa basura.
“Totoo ‘yan. Alam mo, nabalitaan ko na maraming mayors (ay) 27 porsyento ang kinukuha nila, 27 percent!” paghahayag ng dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa panayam ng media kamakailan.
Aniya, minsan na siyang inalok ng ‘kickback’ para sa deal sa basura, pero agad niya itong binasura dahil wala siyang balak na pumasok sa anumang anomalya bilang isang tunay na public servant.
“(During) my first year as mayor, wala pa siguro akong mga three months, pinuntahan agad ako ng frontman sa Clark Air Base. Sabi (sa akin): ‘Mayor, kung dito ka magtatapon, we’re offering you P120,’ Nagko-compute sa harapan ko. P120 per truck per ton, tipping fee,” paglalahad ng alkalde.
Halos 200 tonelada kada araw umano ang tinatapong basura ng Baguio City at dito pa lang ay aabot na sa P2.4 milyon ang ‘kickback’ kung ito ay kanyang inaprubahan at tinanggap.
“That’s just for tipping. So for hauling, almost the same din. Iyon ang sabi (. . .) sa akin. Sa(got) ko: ‘Sir, pasensya na po kayo, bawal po ‘yan sa Baguio.’ Kaya Baguio is well-known as one of the cities na hindi talaga tumatanggap ang mayor d’yan pagdating sa basura,” dagdag pa ni Magalong.
ia/xf
