By Benjie Cuaresma
LIVE | KAPIHAN SA MANILA BAY
Inilahad ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang kanyang blueprint para sa patuloy na pagbangon ng Maynila sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay nitong Miyerkules.
Ayon kay Moreno, unti-unti nang nakakabangon ang lungsod mula sa krisis pinansyal matapos mabawasan ang malaking bahagi ng mga naiwang obligasyon, kasabay ng tuloy-tuloy na paghahatid ng mahahalagang serbisyo sa mga Manileño.
Kabilang sa kanyang mga inanunsyo ang muling pagbubukas ng bagong-renovate na Emergency Room ng Ospital ng Maynila, pagpapalawak ng programang YorMilk 2.0 para sa nutrisyon ng mga bata, at ang pagtatatag ng Housing Trust Fund bilang bahagi ng pangmatagalang programa sa pabahay.
Nanawagan din ang alkalde ng pagkakaisa at hinikayat ang mga lider ng bansa na isantabi ang pulitika upang magtulungan para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.
“Maikli na lamang ang natitirang panahon. Magtulungan tayo para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino,” ani Moreno.
ia/xf
