
I only promise that which I intend to deliver.

— New York City mayor Zohran Mamdani
MAYPAJO, Lungsod Kalookan — SA mga politiko, madalas nating naririnig ang mga pangako na sa kalaunan ay hindi naman natutupad. ‘ika nga, “maraming pangako na sadyang napapako lang.” Madalas, ang mga ipinapangako sa panahon ng kampanya ay nalilimutan kapag natapos na ang halalan.
Subalit ibahin natin ang kaibigan nating alkalde ng Maynila. Para kay Yorme Isko Moreno, o Mayor Francisco Domagoso, ang pangako ay sarado at dapat ay tinutupad ito—sabi nga ng ating punong lungsod, “itaga mo pa sa bato.”
Teka, hindi ko po tinutukoy diyan ang matapang nating senador na si ‘Bato’ Dela Rosa—na ngayo’y nagtatago dahil may mandamiento de aresto na inilabas para dakpin siya mula sa International Criminal Court (ICC).
Kamakailan, ipinamahagi ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa pangunguna ni Yorme Isko ang 551 Smart TV at 982 laptop para sa mga guro ng kindergarten at Grade 1 sa mga pampublikong paaralan.
Para sa iba, isa lamang itong simpleng turnover ng kagamitan, ngunit kung susuriing mabuti, mas malalim ang kahulugan nito.
Ang totoo, katuparan ito ng isa sa mga ipinangako ng alkalde sa kanyang pagbabalik sa City Hall. Bahagi ito ng programang ‘One Laptop, One TV, One Classroom’ na naglalayong gawing mas moderno at mas epektibo ang sistema ng pagtuturo sa mga pampublikong paaralan sa Maynila.
Hindi lingid sa kaalaman ng marami, malaking hamon para sa mga guro ang kakulangan ng kagamitan sa loob ng silid-aralan. Sa maraming pagkakataon, sariling pera pa ng mga guro ang ginagamit para makapag-imprenta ng mga visual aid, makabili ng mga materyales, o makahanap ng paraan upang maging mas interesante ang kanilang pagtuturo.
Kaya para sa benepisyaryo, ang pagkakaroon ng laptop at Smart TV ay hindi lamang dagdag na kagamitan; isa itong mahalagang kasangkapan upang mapabuti ang kalidad ng edukasyong kanilang naihahatid.
Higit pa rito ang mensaheng dala ng programang. Ipinakikita nito na ang edukasyon ay nananatiling pangunahing prayoridad ng administrasyon ni Mayor Domagoso.
Hindi rin lamang ito tungkol sa pagbibigay ng kagamitan kundi tungkol sa pagkilala na ang mga guro ay isa sa mga pinakamahalagang pundasyon ng paghubog sa kinabukasan ng lungsod.
Bahagi rin sa naturang programa ang Minimum Basic Needs (MBN) Policy ng pamahalaang lungsod. Sa ilalim ng MBN, apat na sektor ang binibigyang-prayoridad: pabahay, kalusugan, trabaho at edukasyon.
Simple lang ang prinsipyo: kung matutugunan ng pamahalaan ang mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan, mas magiging matatag ang pundasyon ng kanilang buhay.
Sa larangan ng edukasyon, hindi sapat na may paaralan lamang. Hindi rin sapat na may mga guro at estudyante. Kailangan ding tiyakin na mayroon silang mga makabagong kagamitan na tutugon sa pangangailangan ng kasalukuyang panahon.
Sa panahon ng digital learning at mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, mahalagang mabigyan ng sapat na suporta ang mga guro upang makasabay sa mga pagbabago sa mundo.
Kapansin-pansin din na hindi lamang laptop at Smart TV ang ipinamahagi ng lungsod. Kasabay nito ang milyun-milyong kuwaderno, school supplies, school bags at mga physical education (PE) uniform para sa mga mag-aaral.
Inanunsyo rin ang pagpapalawak ng fresh milk feeding program na sasaklaw sa mas maraming batang mag-aaral sa pampublikong paaralan.
Ipinakikita nito na ang pananaw ng administrasyon ay hindi nakatuon sa isang proyekto lamang. Sa halip, sinusubukan nitong tugunan ang iba’t ibang aspeto ng pangangailangan ng mga bata upang masigurong handa silang matuto at magkaroon ng mas magandang kinabukasan.
Sa huli, ang pinakamahalagang tanong, hindi kung gaano karaming laptop o Smart TV ang naipamahagi. Ang mas mahalagang tanong ay kung paano nito mababago ang karanasan ng mga guro sa pagtuturo at ng mga bata sa pag-aaral.
Kung magiging daan ang mga kagamitang ito upang maging mas mahusay ang pagtuturo, mas maging interesado ang mga mag-aaral, at mas mapalakas ang kalidad ng edukasyon sa Maynila, masasabi nating hindi lamang kagamitan ang ipinamahagi rito.
Ang tunay na ipinamahagi ay oportunidad—oportunidad na magkaroon ng mas maliwanag na kinabukasan ang susunod na henerasyon ng mga Manileño.
Mabuhay ka Yorme Isko!
* * *
FOR your comments or suggestions, complaints or requests, send a message through my email at cipcab2006@yahoo.com or text me at cellphone numbers 09171656792 or 09171592256 during office hours from Monday to Friday. Thank you and mabuhay!
ia/xf
