
MANILA — SA pangunguna ng pamahalaang lungsod ng Parañaque sa ilalim ni Mayor Edwin L. Olivarez, ginanap kamakailan ang pamamahagi ng libreng school uniform at sapatos sa mga mag-aaral sa Parañaque Elementary School (PES) Central sa District I ng lungsod at Sun Valley Elementary School (SVES) sa District II.
Nakasama sa distribusyon ni ‘Kuya’ Edwin ang nakababatang kapatid niyang si District I Representative Eric Olivarez at gayundin sina Parañaque City Schools Division Officer Dr. Loreta B. Torrecampo at mga punong-guro na sina Dr. Genie-Ann T. Santos ng PES Central at Dr. Virginia V. Ramos ng SVES.
Katuwang din sa aktibidad ang mga kinatawan ng School Parent-Teachers Association (SPTA) mula sa iba’t-ibang paaralan ng lungsod,
Ang nasabing programa ay naging posible sa ilalim ng City Ordinance 2025-29, na iniakda at sinuportahan ng mga bumubuo ng 10th City Council sa pamumuno ni Vice Mayor Florencio ‘Benjo’ Bernabe III.
Ayon kay Mayor Olivarez, sa pamamagitan ng pamamahagi ng libreng uniporme at sapatos, matutulungan ng pamahalaang lokal ang bawat mag-aaral na makapag-aral nang maayos at walang alalahanin sa kanilang mga kagamitan at pangangailangan sa pag-aaral.
“Sama-sama nating itaguyod ang edukasyon at kinabukasan ng bawat bata sa Parañaque!” mariing hinayag ng alkalde habang inanunsyo rin ang opisyal na distribution ng mga uniform at sapatos sa iba pang mga paaralan sa lungsod.
Nangako sina Olivarez at Bernabe na patuloy nilang susuportahan at paiigtingin ang mga programang pang-edukasyon para sa kinabukasan ng mga kabataang Parañaqueño.
“Basta nasa tama, basta kaya . . . kasama ninyo kami!” idiniin ng dalawang opisyal.
