Ni Tracy Cabrera

HINIHILING ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema na ibasura ang petisyon ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa kaugnay ng warrant of arrest na inilabas laban sa kanya ng International Criminal Court (ICC).
Sa 83-pahinang komento na may petsang Mayo 16, hiniling ng OSG sa SC na ibasura ang Urgent Manifestation with Omnibus Motion at Extremely Urgent Supplemental Manifestation with Motion na inihain ni Dela Rosa dahil sa umano’y kawalan ng merito.
Ayon sa OSG, walang karapatan ang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) at incumbent senator sa isang ‘injunctive writ’ upang ipagbawal ang kanyang pag-aresto at pagsuko sa ICC.
Nagpaalala ang OSG na dapat maging maingat ang SC sa pag-isyu ng injunctive relief dahil hindi maaaring gamitin ni Dela Rosa ang equity nang walang ‘malinis na mga kamay.’
Ipinunto rin na ang esensya ng pagiging pugante mula sa hustisya ay ang paglalagay ng sarili sa lugar na hindi matutukoy ng mga tagapagpatupad ng batas.
“This essence is precisely reflected in Senator dela Rosa’s deliberate evasion of arrest. The fugitive disentitlement should also apply to him,” tinukoy ng OSG.
Nitong Lunes (Mayo 11) ng nakaraang linggo nang hinain ni Dela Rosa ang mga petisyon na humihingi ng judicial recourse at mosyon na temporary restraining order (TRO), subalit nabigo siya rito nang tablahin ng Mataas na Tribunal.
Sa halip, inatasan ng SC ang ehekutibo na maghain ng komento sa loob ng 3 araw, na sasagutin ng kampo ni Dela Rosa sa loob din ng 3 araw.
ia/xf
