

Partial truths or half-truths are often more insidious than total falsehoods.
— American political scientist Samuel P. Huntington
MAYPAJO, Caloocan City — Mukha yatang naaapektuhan na ng kanyang katandaan ang pag-iisip ng ating butihing ex-gobernador ng Ilocos Sur na si Luis ‘Chavit’ Singson.
Nitong mga huling buwan at araw, marami sa publiko at maging mga taong malapit sa kanya ang nakakapansing tila madalas siyang nagsasalita at nakikialam sa iba’t ibang isyu na halata namang hindi sapat ang kanyang kaalaman at wala siyang resibo.
Katulad na lang ng nangyari sa isang TV interview sa kanya kamakailan na kung saan naimbitahan siya bilang panauhin para talakayin ang isyu sa flood control.
Maraming nakapanood nito ang nagulat nang bigla niyang nabanggit ang paksa tungkol sa Small Town Lottery (STL) sa kanilang lalawigan na wala namang kaugnayan sa paksang tinatalakay noong mga oras na iyon.
Subalit bilang pagrespeto na rin sa ating kaibigang dating gobernador na isa nang senior citizen, pinayagan siyang magsalita ng mga host tungkol sa kanyang reklamo, na ayon sa kanya, na pagbawi ng gobyerno sa operasyon ng STL sa Ilocos Sur mula sa kanyang grupo.
At isinisi pa niya ang nangyari kay First Lady Marie Louise ‘Liza’ Araneta-Marcos (LAM) na aniya ay nakikialam sa operasyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), ang ahensiya na nagbibigay at maaaring bumawi ng lisensya para mag-operate ng STL sa isang lugar.
Halatang-halata na may personal na galit si Manong Chavit kay LAM at gusto lang niya itong sisihin sa pangyayari kahit wala siyang resibo, dahil sa totoo lang, hindi naman nakikialam talaga ang Unang Ginang sa mga pamamalakad ng PCSO.
Alam din naman ng lahat na si GM Melquiades ‘Mel’ Robles ang nagpapatakbo ng PCSO at katuwang niya rito si Board Chairman at retired Judge Felix Reyes.
At dahil nga sa maayos nilang trabaho ay napakarami ng mga award at recognition ang natanggap ng ahensiya mula sa iba’t ibang mga private at public agency.
Pero teka nga muna… napag-uusapan na rin lang ang resibo, bakit nga ba nakikialam si Manong Chavit sa operasyon ng STL sa Ilocos Sur ganoong hindi naman siya kasama sa mga bumubuo ng Authorized Agent Corporation (AAC) na S. Grande?
Batay sa mga opisyal na dokumento, ang S Grande ay binubuo nina Ginoong at Ginang Felicisimo D. Artajos (chairman), Herminio R. Libao (president), Maria Elena C. Arce (treasurer), Gilberto J. Ramos (corporate secretary) at Miguel R. Reboldela.
Sino kaya ngayon ang dummy? Si Manong Chavit ba or ang mga officers on record? Either way, bawal sa batas at IRR ng PCSO ang pagkakaroon ng dummy.
At kung sasabihin naman niya na sa kanya ang S Grande, bakit naman niya binabanatan kaliwa’t kanan ang gobyerno?
Prebilihiyo ang pagbibigay ng STL license at dahil ang gobyerno ang kausap niya rito, may kaakibat itong mga responsibilidad na naaayon sa mga umiiral na batas sa ating bansa.
Sa totoo lang, ang problema kay Manong Chavit ay ang pakiramdam niya’y siya pa rin ang hari sa Ilocos Sur kaya naman nagpuputok ang tambutso niya kapag hindi nasusunod ang kanyang gusto.
STL pa lang ang pinaguusapan natin dito, paano pa kaya ang alokasyon ng tobacco excise taxes na balita natin ay umaabot sa bilyun-bilyong piso ang halaga.
Pero balik tayo sa isyu ng STL. Maliwanag na sablay si Chavit sa pag-akusa kay First Lady hinggil sa pagbawi ng lisensya ng STL operation sa kanyang lalawigan. Idagdag pa natin na wala siyang papel sa STL sa lalawigan, base na rin sa resibong nakalap natin.
Kaya dapat maging aral ito sa maigting na dating gobernador ng Ilocos Sur. Sa susunod na mag-akusa siya at tumuligsa, tiyakin niya sana na may hawak siyang resibo o katibayan para patunayan ito.
Abangan!
* * *
FOR your comments or suggestions, complaints or requests, just send a message through my email at cipcab2006@yahoo.com or text me at cellphone numbers 09171656792 or 09171592256 during office hours from Monday to Friday. Thank you and mabuhay!
