Ni Tracy Cabrera

MALATE, Maynila — Nadakip na rin si dating Ako Bicol party-list representative Elizaldy ‘Zaldy’ Co subalit ang pagkakahuli niya sa Czech Republic ay nagbunsod pa din ng problema para sa pamahalaan.
Pinunto ng mga legal expert na isa lang aspeto ang pag-aresto sa Ex-congressman subalit ang pagpapalalim sa kanya sa Pilipinas ay isa pa ring bagay na dapat talakayin.
Nasakote si Co, isa sa pinakamalaking pangalan sa iskandalo ng korapsyon sa flood control, sa kapitolyo ng Czechia, Prague, na kung saan batay sa mga report nakadetine siya matapos mabigong tumawid ng border sa Germany.
Si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang mismong nag-anunsyo ng kanyang pagkakahuli nitong Huwebes, Abril 16. Ayon sa Pangulo, nadakip si Co dahil pinigilan siya sa German border at pinabalik sa kanyang pinanggalingan.
“Our coordination with Czech authorities continues. The latest information confirms that Zaldy Co was stopped at the German border after entering from the Czech Republic. He was denied entry and returned to Czech authorities, where he remains in custody,” hinayag ni Mr. Marcos.
Dinagdagan naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor ‘Jonvic’ Remulla Jr. na naaresto si Co dahil wala siyang pasaporte nng pumasok sa Czechia.
“He was subsequently detained on the charge of being an unwanted alien. Subsequently, the Philippine authorities were informed and the embassy is taking cognizance over it,” Wika ni Remulla sa panayam ng media.
Kinansela ang pasaporte ng dating mambabatas sa kautusan ng Sandiganbayan noong Disyembre dahil sa kinakaharap na mga kasong graft at malversation.
Bukod sa pagbalita ng kanyang kinaroroonan, wala pang naibibigay na karagdagang detalye ang pamahalaan ukol sa kung ano ang magiging game plan nito upang mapauwi si Co sa Pilipinas. Gayun man, nagpahiwatig si Remulla na maaaring idaan nila ito sa deportation.
“I’m here to confirm that he has been arrested and that we are working towards his deportation to the Philippines,” sabi ng kalihim.
Bukod sa deportation, maaari ding idaan sa extradition ito sa kondisyon na mayroon extradition treaty sa pagitan ng Pilipinas at Czech Republic.
Sa kasawiang-palad, walang ganitong kasunduan ang dalawang bansa subalit hindi pa rin nangangahulugan na hindi mapapabalik sa bansa si Co.
ia/xf
