Ni Tracy Cabrera

NAGA CITY, Camarines Sur — Sa gitna ng panawagan para sa pagkakaisa ng sambayanan at pagtalikod sa nakasanayang politika ng katiwalian at padrino, pormal na nanawagan ang mga lider ng ‘IM k LENI’ movement kay Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino IV na tumakbo bilang pangulo sa 2028 presidential elections.
Ayon sa kilusan, na binubuo ng mga boluntaryong nagmula sa tinaguriang “Pink Campaign” noong 2022, ang naging resulta ng 2025 midterm elections—kung saan muling nahalal sina Aquino at Kiko Pangilinan sa Senado—ay patunay na nananatiling buhay at malakas ang panawagan ng mamamayan para sa “gobyernong tapat.”
Sa mensahe ni IM k LENI secretary-general Elmer Argaño, tinukoy niyang nasa isang mahalagang yugto ang bansa dahil sa lumalalim na hidwaang politikal at mga pagbabagong kinahaharap ng pambansang direksyon.
Ani Argaño, si Senador Bam Aquino ang kumakatawan sa tinatawag nilang “modern center” at isang lider na may kakayahang pagkaisahin ang magkakaibang panig.
“Ang mga Pilipino, lalo na ang kabataan, ay naghahanap ng lider na hindi lamang kilala ang pangalan kundi may malinaw na paninindigan at konkretong nagagawa,” aniya.
Dagdag pa niya, “Habang abala ang mga tradisyunal na dinastiya sa agawan ng kapangyarihan, nananatiling consistent si Bam Aquino—progresibo sa pananaw ngunit praktikal sa pagbuo ng pagkakasundo. Siya ang lider na kayang magbuklod sa isang hati-hating bansa.”
Iginiit din ng mga miyembro ng IM k LENI na ang track record ng pamangkin ng yumaong Pangulong Corazon “Cory” Cojuangco-Aquino sa larangan ng edukasyon, labor, at pagsuporta sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) ay nagsisilbing matibay na pundasyon para sa pagbangon ng ekonomiya.
Binigyang-diin naman ng Visayas coordinator ng kilusan na si Nick Malazarte na ang tunay na lakas ni Aquino ay ang kanyang malalim na ugnayan sa grassroots o karaniwang mamamayan, na palagi niyang pinaprayoridad sa kanyang legislative agenda bilang senador.
“Napatunayan natin noong 2022 at lalo pang pinagtibay noong 2025 kung ano ang kayang gawin ng sama-samang pagkilos,” ani Malazarte.
“Sa 2028, layunin nating gawing mas malawak na kilusan ang apoy ng pag-asa—isang liwanag na gagabay sa kinabukasan ng bawat kabataang Pilipino,” dagdag pa niya.
Sa huli, inanunsyo ng pamunuan ng IM k LENI Movement na magsasagawa sila ng iba’t ibang aktibidad at pakikipag-ugnayan sa iba pang organisasyong may kahalintulad na adhikain upang palakasin ang panawagan para sa posibleng kandidatura ni Aquino.
“Hinihikayat namin ang mga kabataan na maging aktibo sa paghubog ng susunod na administrasyon at tiyakin na ang magiging pangulo ay tunay na ‘Pangulo ng Bayan,’” idiniin ng kilusan.
ia/xf
