
BONIFACIO GLOBAL CITY, Taguig — Sa gitna ng tumataas na presyo ng gasolina at mga pangunahing bilihin, unti-unting nagiging malinaw na hindi na lamang ito usapin ng ekonomiya, kundi usapin na rin ng pang-araw-araw nating pamumuhay.
Isa sa mga pinakapraktikal na tugon sa krisis ay ang muling pagbibigay-pansin sa work-from-home (WFH) setup sa ating trabaho.
Ito ang ipinahayag ni Filipino Consumers for Reform (Filcore) Secretary General at Spokesperson Tracy Cabrera nang kausapin ng Senior Times ukol sa sitwasyon ngayon, lalo na sa deklarasyon ng State of National Energy Emergency (SoNEE) ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Ayon kay Cabrera, malaking bahagi ng konsumo sa enerhiya ay nagmumula sa transportation at sa pagbubukas o operasyon ng ating mga tanggapan at opisina.
“Araw-araw na biyahe, trapik, at pagsusunog ng gasolina—lahat ng ito ay nag-aambag sa mas mataas na demand sa langis. Sa simpleng pananatili sa bahay para magtrabaho, nababawasan ang konsumo, hindi lamang ng indibiduwal kundi ng buong sistema,” kanyang pinunto.
Idinagdag pa niya na hindi lang tungkol sa pagtitipid ang mahalaga sa gitna ng krisis.
“Ang WFH ay nagdudulot din ng mas maayos na kalidad ng buhay. Mas kaunting oras sa biyahe, mas maraming oras sa pamilya, at mas flexible na schedule. Sa panahon ng krisis, ang ganitong setup ay hindi lamang alternatibo kundi isang mainam na estratehiya,” aniya.
Sa huli, nagpaalala si Cabrera na hindi lahat ng trabaho ay kayang gawin sa bahay, subalit para sa mga industriyang posible ito, dapat itong hikayatin at suportahan, hindi lamang ng pribadong sektor kundi pati ng pamahalaan.
“Maaaring magbigay ng insentibo sa mga kumpanyang magpapatupad ng WFH upang mabawasan ang energy demand at consumption sa local at national level. Ang krisis sa enerhiya ay isang paalala na kailangan nating baguhin ang ating nakasanayang sistema. Ang WFH ay hindi lang pansamantalang solusyon, kundi isang hakbang patungo sa mas sustainable at resilient na kinabukasan,” pagtatapos niya.
ia/xf
