Ni Tracy Cabrera

PORT AREA, Maynila — Sa Semana Santa ngayong taon, sana’y magsilbing paalala ito—o mas mabuti, maging daan upang itigil—ang mga maling gawain, lalo na sa mga opisyal ng gobyerno na umaabuso sa kapangyarihan at inuuna ang pansariling interes.
Karapat-dapat ng papuri ang Philippine Coast Guard (PCG) dahil handa na sila sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong Semana Santa.
Ayon sa PCG, mula Marso 28 hanggang Abril 5, 2026, magde-deploy sila ng humigit-kumulang 17,000 personnel upang umalalay sa mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang mga lalawigan.
Ipinag-utos ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang mahigpit na pre-departure inspection sa mga pantalan upang maiwasan ang overloading ng mga barko.
Sinabi naman ni Commodore Noemie Cayabyab, tagapagsalita ng PCG, na posibleng umabot sa halos tatlong milyong pasahero ang dadagsa sa mga pantalan kung magiging maayos ang panahon sa buong linggo ng Semana Santa. Katumbas ito ng bilang ng mga biyaherong naitala noong nakaraang taon sa parehong panahon.
Dagdag pa ni Cayabyab, maaga nang itinaas ang alert level ng PCG upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng publiko sa panahon ng Kuwaresma.
Ayon sa mga tagamasid, sana ay ganito rin kahanda ang ibang ahensya ng gobyerno sa kanilang mga mandato at tungkulin.
ia/xf
