Ni Tracy Cabrera

(Larawan mula sa Philippine Information Agency)
MALAKANYAN, Maynila — Kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa lahat ng lokal na pamahalaan (LGU) na tumulong maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, sisimulan ngayong Abril ng mga lungsod at munisipalidad ang pamamahagi ng libreng bigas para sa kani-kanilang nasasakupan.
Ang pamamahagi ay isasagawa sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF) bilang bahagi ng inisyatibo ng administrasyong Marcos Jr. na matulungan ang mamamayan na harapin ang krisis dulot ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Sa isang press conference sa Palasyo ng Malakanyang, hinayag ng Pangulo na ilulunsad ng mga LGU ang nasabing rice program sa ilalim ng expanded LGSF “within the next week or two.”
Idinagdag niya na ang pondong inilaan ay ibibigay sa mga pamahalaang lokal upang maipatupad ito nang mabilis at sa lalong madaling panahon.
“Each LGU would provide at least 50 percent of the LGSF funds for the purchase and distribution of rice to their constituents. They can use 100 percent of the fund for the rice distribution, but it is up to them. However, it is necessary that at least 50 percent of the funds they receive must be used to purchase and distribute rice,” nilinaw ni Ginoong Marcos.
Sa ilalim ng expanded LGSF, makatatanggap ang mahigit limang milyong pamilya ng 60 kilo ng bigas taun-taon, o 10 kilong bigas para sa anim na buwang konsumo kada taon.
Hinayag pa ng Pangulo na popondohan din ng LGSF ang mga kinakailangang proyekto para sa pag-upgrade ng mga health facility, disaster preparedness initiatives, at kritikal na proyektong imprastraktura, kabilang na ang mga farm-to-market road, electrification, at water supply systems.
“This will help lower the prices of goods and increase farmers’ incomes,” wika ni Ginoong Marcos, upang ipakita ang commitment ng pamahalaan na “no one will be left behind” sa gitna ng krisis sa pamamagitan ng rice aid, na may layuning bawasan ang gastos sa kabahayan habang sinusuportahan ang lokal na agrikultura.
Sa ilalim ng General Appropriations Act ngayong taon, inilaan ng administrasyon ang pinakamalaking LGSF sa halagang ₱57.872 bilyon. Kasama rito ang ₱37.492 bilyon para sa Financial Assistance sa mga LGU, ₱11.3 bilyon sa Growth Equity Fund, ₱8.09 bilyon sa Support to the Barangay Development Program, at ₱1 bilyon sa Support and Assistance Fund for Participatory Budgeting.
elamigo/xf
