
PINANGHAHANAP ngayon ng pulisya ang isang suspek na naka-bisekleta na tumangay ng mahigit P181K halaga ng cash, gamit at pastillas sa loob ng kilalang tindahan ng halo-halo sa Imus City, Cavite kamakalawa ng madaling araw.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan sa suspek sa pamamagitan ng CCTV footage ng tindahan.
Sa ulat, bandang alas-1:55 kamakalawa ng madaling araw nang pinasok ng suspek ang Benz Halo-halo sa Brgy Poblacion 1-C, Imus City, Cavite sa pamamagitan ng pagsira sa door lock nito at nang nakapasok, tinangay ng suspek ang humigit kumulang na P180,315.00 na kita ng tindahan, Wi-Fi modem, sirang Food Panda device, dalawang speaker, isang biometric device at sampung piraso ng toasted pastillas na nagkakahalaga ng P1,350.00 o kabuuan na humigit kumulang P181,665.
Matapos na makuha ang gusto, tumakas ang suspek sa pamamagitan ng pagsakay sa isang bisekleta sa di nabatid na direksiyon.
Bandang alas-8:45 ng umaga nang natuklasan ang ginawang pagnanakaw nang buksan ang nasabing tindahan.
Nagsasagawa pa ng backtracking sa CCTV footage ang pulisya para sa dinaanan ng suspek at pagkakakilanlan nito. (Gene Adsuara)
ia/xf
