
By Tracy Cabrera
MANILA — Sa gitna ng krisis sa Gitnang Silangan, inihayag ni Public Works Secretary Vivencio “Vince” Dizon na optimistiko siyang hindi mababalam ang mga kasalukuyang major infrastructure project ng pamahalaan sa kabila ng posibleng big-time fuel price hike na dulot ng digmaan sa pagitan ng Iran at Estados Unidos, Israel at mga kaalyado nito.
Sa isang media forum na ginanap sa Rizal Park Hotel sa Maynila, ipinaliwanag ni Dizon na aniya’y nakabatay sa mga variation at price escalation provision na maaaring gamitin sakaling tumaas ang halaga ng mga construction material.
“Basta tayo, kami ng Department of Transportation (DoTr), tuluy-tuloy lang tayo,” aniya, bilang paglalarawan sa commitment ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na tapusin at kumpletuhin ang lahat ng proyekto sa tamang panahon kahit na wala pang nakalaang budget ang ahensya para sa kasalukuyang taon.
“Puwede po silang humingi sa gobyerno. This (crisis) is a valid ground for variation. Iyong price escalation, that’s a valid ground for additional payment. (Pero) huwag sila mag-alala, there are a lot of ways and means for us to help also our private partners,” dagdag pa niya.
Isinantabi rin ni Dizon ang posibilidad ng delay sa awarding ng mga bagong infrastructure project ng DPWH na sinasabing apektado ng pagkakabunyag ng laganap na korapsyon, partikular sa mga inisyatibo ng flood control.
Nauna nang binanggit ni Senate Finance Committee chairperson Sherwin “Win” Gatchalian ang kanyang agam-agam kung paano maisasagawa ang bidding para sa mga infrastructure project sa ilalim ng 2026 national budget, matapos niyang babalaan na ang mabagal na paggasta ng pamahalaan at ang umiiral na oil crisis ay maaaring makaapekto sa economic recovery ng bansa.
Gayunman, nakapaghain na rin ang DPWH ng request upang magamit ang 2026 sa pagbalangkas at pag-apruba ng isang flood control master plan, bagama’t inaasahan ni Dizon na masisimulan na rin ito ngayong buwan.
“Nag-start na tayo ng bidding ngayong late February and March, so we will start awarding by end of March,” aniya.
elamigo/xf
