By Tracy Cabrera
File photo ni agriculture chief Francisco Tiu Laurel Jr. mula sa Bulatlat.
DILIMAN, Lungsod Quezon — Bunsod ng pagkakabunyag ng laganap na korapsyon sa loob ng Department of Public Works and Highways (DPWH), may nadidiskubre pang iba pang anomalya at sinimulan na ng Department of Agriculture (DA) ang imbestigasyon sa ilang government-contracted fertilizer supplier dahil sa mga reklamo ukol sa mababang kalidad ng kanilang produkto.
Kahawig ng mga iregularidad sa ilang proyekto ng DPWH kung saan substandard ang ginamit na mga materyales, saklaw ng imbestigasyon ng DA ang limang kompanya na umano’y nagpasok ng mga fertilizer o abono na hindi umabot sa itinakdang kalidad ng gobyerno.
Pinangalanan ang limang kontratista na Agri-Victorius Trading Corporation, DQB Green Agricultural Products Trading, Valap Incorporated, Dos Asia Chemical Trading Corporation, at Rova Fertilizer Manufacturing. Natukoy na substandard ang kanilang mga produkto sa isinagawang quality tests ng Fertilizer and Pesticide Authority (FPA).
Sa pagpuna sa umano’y “unfair practices” ng mga ito, nilinaw ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na layunin ng imbestigasyon na alamin ang katotohanan at matiyak kung natugunan ng kanilang mga produkto ang itinakdang pamantayan ng gobyerno.
“We agreed to pay the price they bid, yet they delivered substandard products. That is highway robbery, and we will not allow it. They have no shame,” pahayag ng kalihim, na nagsabing pinatawan na ng suspensyon ang limang kontratista habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Bukod sa suspensyon, inutos din ni Laurel na walang fertilizer stock mula sa nasabing mga supplier ang ilalabas, ipamamahagi, o gagamitin hangga’t hindi pa natatapos ang imbestigasyon at nakapaglalabas ng clearance ang Office of the DA Secretary.
Inatasan din ang mga kawani at opisyal ng DA na agad iulat ang mga pending delivery, ongoing transaction, at kaugnay na dokumento upang maging maayos at patas ang isinasagawang imbestigasyon.
elamigo/
