
MANILA — Problemado ang isang pulis na nakadestino sa Silang Municipal Police Station (MPS) ngayon matapos mawala ang kanyang issued firearm sa kanilang apartment sa Rosario, Cavite, nitong Lunes ng madaling araw.
Kinilala ang biktima bilang si alyas John, 28, miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa Silang MPS. Siya ay may live-in partner at nakatira sa Brgy. Tejeros Convention, Rosario, Cavite.
Ayon sa salaysay ng biktima, bandang alas-2:30 ng madaling araw noong Lunes ay umuwi siya sa kanilang apartment sa Hacienda Road, Brgy. Tejeros Convention, matapos maglaro ng billiards. Bago pumasok, bumili muna siya ng sigarilyo sa tindahan sa harapan ng bahay ng kanyang magulang, saka kinuha ang kanyang handbag sa motorsiklo na nakaparada sa harap ng bahay at doon inilagay ang kanyang issued service firearm na isang Girsan MCp na may serial number na T6368-22CK00595.
Matapos manigarilyo, bumalik siya sa apartment, iniharang ang refrigerator sa pintuan, at bago humiga ay inilagay ang kanyang baril at iPhone 16 Plus sa ilalim ng unan.
Bandang alas-4:36 ng madaling araw, dumating ang kanyang live-in partner at inalis ang harang sa pintuan. Nang bumalik siya sa higaan, napansin niyang nawawala na ang kanyang baril at cellphone.
Sinabi ng biktima na naghanap sila ng live-in partner ngunit wala silang nakita, at wala ring palatandaan ng sapilitang pagpasok. Ayon sa kanya, walang CCTV sa kanilang lugar.
Nireport ng biktima ang insidente sa pulisya nitong Miyerkules. (Gene Adsuara)
elamigo/
