
MANILA — Nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya kung onsehan sa droga ang hinihinalang dahilan ng pagkamatay ng isang motorcycle rider matapos itong barilin ng kapwa rider na bumuntot sa kanya sa General Trias City, Cavite kamakalawa ng hapon.
Naisugod pa sa General Trias Medicare Hospital ang biktimang si alyas “Ed,” 37, binata at residente ng Camachile Subdivision, Gen. Trias City, Cavite, subalit idineklarang dead on arrival dahil sa tama ng bala sa kanang bahagi ng ulo.
Tinutugis naman ang suspek na kinilalang si alyas “Poks,” na sakay ng kulay itim na Yamaha Mio na may plakang 757-UZO, na tumakas matapos ang insidente.
Sa ulat, bandang alas-4:30 kamakalawa ng hapon nang maganap ang insidente sa Block 24, Camachile Subdivision, Brgy. Pasong Camachile 1, General Trias City, Cavite. Minamaneho ng biktima ang kanyang kulay asul na MotorStar na walang plaka at pauwi na sana sa kanilang bahay nang buntutan siya ng suspek na sakay din ng kanyang Yamaha Mio.
Pagdating sa lugar ng insidente, agad umanong binaril ng suspek ang biktima na tinamaan sa kanang bahagi ng ulo.
Isinugod pa sa ospital ang biktima ngunit hindi na ito umabot nang buhay.
Narekober malapit sa pinangyarihan ng krimen ang isang sachet ng hinihinalang shabu malapit sa motorsiklong ginamit ng biktima.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya kung saan droga ang isa sa mga tinitingnang motibo sa pagpatay. (Gene Adsuara)
ia/mnm
