Ni Tracy Cabrera

PORT AREA, Maynila — Tila mayroong lumalabas na dalawang bersyon sa likod ng raid kamakailan sa isang warehouse na naglalaman ng mga smuggled at pekeng sigarilyo sa bayan ng Santa Maria sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon sa source ng X-Files sa BoC, nananatiling palaisipan kung ano talaga ang totoong nangyari sa pagitan ng mga ahente ng Bureau of Customs (BoC) at mga tauhan ng Metro Manila Regional Highway Patrol Group (HPG) sa isinagawang pagsalakay sa nabanggit na warehouse.
Ayon sa social media post ng beteranong broadcaster na si Ramon Tulfo, hinarass at dinisarmahan umano ang mga nang-raid na Customs agent at kinukumpiska ng mga tauhan ng HPG National Capital Region ang mga pinagbabawal na sigarilyo.
“Taliwas ito sa spot report na inilabas ng HPG-NCR, kaya hindi maiwasang mag-isip ang mga marites na posibleng may isang BoC cover-up sa nangyayari,” pinunto ni Tulfo.
Ito’y dahil umano sa lumalabas sa inisyal na ulat na mayroong ilang indibidwal na sinasabing kawani ng BoC na umano’y sangkot sa pagbebenta ng iligal na mga sigarilyo.
Ang ni-raid na warehouse ng HPG-NCR ay katabi lamang ng isang pasilidad na nagsisilbing condemnation site ng Bureau para sa mga nasabat at nakumpiskang kontrabando.
Sanhi ng mga taliwas na datos at impormasyon, naging usap-usapan na ang HPG-NCR ay binaligtad at pinalabas na masama sa mata ng publiko sa pagtupad sa kanilang sinumpaang tungkulin na tugunan ang mga report ng smuggling at iba pang paglabag sa batas ukol sa customs service.
“Kumpleto ang mga dokumentong magpapatunay na lehitimo ang kanilang operasyon,” saad ng source na may sapat na kaalaman sa nasabing HPG-NCR raid.
“Hintayin natin ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon para matukoy ang totoong nangyayari,” dagdag nito.
Matatandaan na hindi ito ang unang pagkakataon na masangkot ang BoC sa kontrobersiya o di kaya’y sa mga iligal na gawain ng mga kawani nito.
Nasibak noon sa kanyang puwesto si Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) Field Station Chief Paul Oliver Pacunayen habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon ng BoC sa alegasyon ng korapsyon laban sa nasabing opisyal.
Si Pacunayen ay kasamang nabanggit sa liham na ipinadala kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. mula sa ilang mga concerned officials, empleyado at stakeholders ng ahensya, na kung saan inireklamo ang pagbabalik ng talamak na smuggling sa mga pantalan.
Nabanggit din sa nasabing liham si CIIS Director Thomas Narcise, na tinuturong may kinalaman o may kaalaman sa mga iregularidad.
Mahigit kalahating taon na ang lumipas, pero walang pa ring nilalabas na kahit anong resulta tungkol dito na pinangako noon ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na kanyang inanunsyo pa pati ang nararapat na kaparusuhan kung kinakailangan.
Si dating BoC deputy commissioner for intelligence Romy Rosales ang tinalagang mamuno sa imbestigasyon, subalit nauna pa ang kanyang pagbitiw sa puwesto, kaya mukhang nabaon na sa limot ang reklamo laban kay Pacunayen.
ia/xf
