Ni Tracy Cabrera

MALATE, Maynila — Tiniyak ng Department of Justice (DoJ) ang mahigpit na pakikipagtulungan sa pagitan ng ahensya at ng Office of the Ombudsman (OMB) upang makabuo ng matitibay na kasong may kaugnayan sa sinasabing mga anomalya sa iba’t ibang proyekto ng flood control ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at maging sa mga inisyatibo ng ilang lokal na pamahalaan.
Ayon kay justice department spokesperson Atty. Polo Martinez, layunin ng dalawang ahensya na makapaghain ng mga kasong nakabatay sa matibay na ebidensya at makatatayo sa Korte upang matukoy at mapanagot ang mga taong nasa likod ng mga anomalya.
Sinabi ni Martinez na umaayon ito sa panawagan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SoNA) na kung saan Iginiit ng punong ehekutibo na pananagutin ang mga opisyal ng gobyerno na sumira sa tiwala ng publiko sanhi ng laganap na korapsyon.
Batay sa mga ulat mula nang masiwalat ang iskandalo ng flood control sa DPWH, umabot na sa mahigit ₱841.38 milyon ang naibalik sa National Treasury hanggang Hunyo 3, 2026 na mula sa mga isinasagawang imbestigasyon sa kontrobersiya.
Kabilang sa pinakamalalaking nagsauli ng pondo sina dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo, na nagbalik ng ₱500 milyon; dating DPWH district engineer Henry Alcantara, na nagsauli ng mahigit PhP181 milyon; dating DPWH-NCR director Gerard Opulencia, na nagbalik ng mahigit ₱140 milyon; at ang kontratista ng si Sally Santos ng SYMS Construction, na nagsauli ng ₱20 milyon.
ia/xf
