
Ni Tracy Cabrera
MANILA — Nakatakdang maglabas ng aresto de mandamiento sa Lunes, Hulyo 6, ang Sandiganbayan laban kay Senador Rodante Marcoleta kahit iginigiit ng senador na political persecution ang pagsampa ng Ombudsman ng plunder case laban sa kanya.
Mariing nanindigan si Marcoleta na handa siyang magpakulong bilang pagrespeto sa proseso ng batas dahil alam niyang lilitaw din ang katotohanan sa usapin.
Gayunman, minabuti niyang hanggang dito lang ang kanyang ihahayag dahil mas maigi pang huwag na muna siyang maglahad ng karagdagan pang public statement kasunod ng paghain ng kasong pandarambong laban sa kanya sa Sandiganbayan.
“(My) position remains unchanged,” kanyang idiniin mula sa kanyang komento sa rally na inorganisa ng Iglesia ni Cristo (INC) kamakailan.
Ayon sa tanggapan ng senador, naniniwala si Marcoleta na kanyang natugunan nang lubusan ang mga akusasyon laban sa kanya, kaya walang dahilan upang maglabas pa ng isang pahayag kahit may mga indikasyong tinatarget siya dahil sa kanyang mga paninindigan laban sa korapsyon sa pamahalaan.
Sa protestang isinagawa ng INC na kung saan may matunog na suporta sa kanya ang mga nagsipaglahok, dineklara ni Marcoleta na handa siyang harapin ang pagkakakulong kung ipagutos ng mga awtoridad ang pagdakip sa kanya batay sa kasong plunder na isang non-bailable crime.
“(I am) willing to accept the consequences if it means defending what I describe as justice and the welfare of the Filipino people. (I have) nothing to fear and (I will) confront the legal process head-on,” kanyang pinunto.
Patuloy na itinatanggi ni Marcoleta ang mga alegasyong ill-gotten wealth para idiniin na ang salaping tinukoy sa reklamo laban sa kanya ay campaign support na boluntaryong ipinagkaloob sa kanya ng mga pribadong indibidwal gamit ang personal nilang pondo.
Sinabi pa ng neophyte senator na ang nabanggit na financial assistance ay pagsuporta sa kanyang matagumpay na senatorial bid at hindi nagmula ito sa government resources o public money.
“The accusations are inconsistent with the nature of the funds involved and should not be equated with corruption,” kanyang nilinaw.
Muli niyang itinuran na ang reklamong kriminal laban sa kanya ay bunsod ng politika na wala namang ebidensya. Kinuwestiyon din niya kung bakit siya ang piniling kasuhan habang ang mga taong tunay na may kinalaman sa maling paggamit ng pondo ng gobyerno ay hindi pa nahaharap sa katulad na legal action.
Dati niya nang inugnay ang timing ng kaso sa kanyang partisipasyon sa mga isyung may kinalaman sa imbestigasyon ng sinasabing mga iregularidad sa mga proyekto ng flood control at pati na ang impeachment trial ni Vice President ‘Inday’ Sara Duterte-Carpio.
ia/xf
