Ni Tracy Cabrera

MAYNILA — Kasunod ng kritikal na intelligence report mula sa National Bureau of Investigation (NBI) ukol sa planong sirain ang legislative proceedings sa Senado, pinagutos ni Acting Senate President Sherwin ‘Win’ Gatchalian ang indefinite lockdown at heightened security alert upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Pinagbawal ni Gatchalian ang pagpasok ng mga bisita at ipinatupad ang mahigpit na mga safety at protective protocol upang mapangalagaan ang mga mambabatas at kanilang staff at gayundin ang mga institusyon laban sa umano’y banta na guluhin ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Nitong Martes, Hunyo 9, sa gitna ng mga balitang may security risk, inutos ang lockdown sanhi ng nasabing mga bata, ayon kina SP Gatchalian at NBI Director Melvin Matibag.
Sa kasalukuyan, nasa isang gridlock kaugnay ng isyu ng pamumuno sa Senado ang dalawang makaribal na paksyon: ang bloc na pinangungunahan ni Gatchalian at ang kabilang grupo ni dating Senate President Alan Peter Cayetano.
Nagresulta ito sa suspensyon ng mga sesyon at lehislasyon, kaya ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na resolbahin na ang hidwaan at magbalik na sa kanilang tungkulin ang mga senador.
Nagpahayag naman ng agam-agam ang mga empleyado’t kawani ng Senado ukol sa mga kaganapan sa institusyon, partikular na sigalot sa Senate leadership na sadyang nakaapekto sa mga internal policy nito, kabilang na ang pag-release ng kanilang suweldo at benepisyo.
Lunes ng hapon, Hunyo 8, nang inalerto si Gatchalian ng NBI ukol sa “critical information about a security threat.”
IA/XF
