

I am afraid I’m a constant disappointment to my party. The fact of the matter is, the longer I am president, the less of a party man I seem to become.
— 27th United States president William Howard Taft
MAYPAJO, Lungsod ng Kalookan — May mga source umano tayo sa Malacañang na nagsasabing dismayado na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Jonvic Remulla dahil sa kabiguan umano nitong maipaaresto ang ilang high-profile na fugitives, kabilang si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon sa isang source, disappointed umano ang Pangulo sa estratehiya ni Remulla na nakatuon lamang sa grandstanding kaysa sa agarang pagpapatupad ng aksyon.
Lumitaw umano ang frustration ng Pangulo sa press briefing sa Palasyo noong Mayo 19 kaugnay ng umano’y pagtakas ni Dela Rosa mula sa Senado matapos itong lumitaw para bumoto sa pagpapalit ng Senate leadership bago tuluyang naglaho. Dito umano biglang umalis si Remulla bago matapos ang briefing kasama sina Philippine National Police (PNP) Chief Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. at Acting Justice Secretary Fredderick Vida.
Ayon sa impormante, “inutos umano ni Pangulong Marcos Jr. na mag-pullout si Remulla dahil hindi nakalinya ang kanyang mga pahayag sa mensahe ni Nartatez.”
Sinabi rin na kinokonsidera umano ng punong ehekutibo na ibalik si dating DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr., ngunit nanatili si Remulla dahil na rin sa konsiderasyon sa kanyang kapatid na si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla.
Binatikos din umano ang dating gobernador ng Cavite dahil sa anila’y mabagal at malamyang aksyon sa pagsisilbi ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa, na nanatili pa umano sa Senado ng tatlong araw bago umalis noong Mayo 14, matapos ang shooting incident sa pagitan ng Senate security personnel at National Bureau of Investigation (NBI) agents na umano’y naroroon upang dakpin ang dating PNP chief.
Ayon pa sa source, dapat sana’y agad umaksyon si Remulla matapos i-deny ng Korte Suprema ang petisyon ng senador para sa temporary restraining order (TRO).
“Sa halip na kumilos agad matapos ma-deny ang TRO, nagpunta siya (Remulla) sa Senado noong kasagsagan ng May 13 shooting incident, humarap sa media habang paika-ika, at inanunsyo sa publiko na hindi siya naroroon upang arestuhin si Bato,” dagdag ng impormante.
Bukod kay Dela Rosa, kabilang din umano sa mga nabigong ipaaresto ni Remulla sina dating presidential spokesperson Atty. Herminio “Harry” Roque Jr., na nahaharap sa qualified human trafficking case kaugnay ng operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Pampanga; businessman at gambling tycoon Charlie “Atong” Ang, na inuugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungero; at dating Ako Bicol party-list Representative Elizaldy “Zaldy” Co, na itinuturong pangunahing personalidad sa umano’y flood control scam.
PARA sa inyong mga komento, suhestiyon, reklamo o kahilingan, magpadala lamang ng mensahe sa aking email na cipcab2006@yahoo.com o kaya’y i-text ako sa mga cellphone number na 09171656792 o 09171592256, during office hours, mula Lunes hanggang Biyernes. Maraming salamat. Mabuhay!
ia/xf
