

Ang mga eksenang nasaksihan kamakailan sa mismong sentro ng kapangyarihan ng bansa ay hindi lamang simpleng usaping pulitikal. Isa itong pambansang kahihiyan na ngayo’y umiikot sa iba’t ibang sulok ng mundo — pinag-uusapan sa international media, pinagtatawanan sa social media, at nagsisilbing halimbawa kung paano nawawasak ang dignidad ng isang republika sa harap ng buong daigdig.
Sa halip na maipakita ang kaayusan ng ating mga institusyon, ang nakita ng mundo ay kaguluhan, sigawan, putukan, takbuhan, at tila eksena sa mababang uri ng aksyon na pelikula. Nakapanlulumong isipin na ang lugar na dapat simbolo ng soberanya, disiplina, at batas ay naging entablado ng drama, takot, at kapalpakan.
Mas masakit, ang mga katagang “we are under attack” ay umugong na parang deklarasyon ng isang bansang nilulusob ng kaaway. Ngunit habang lumalalim ang mga lumalabas na imbestigasyon, tila kabaligtaran ang lumilitaw — walang malinaw na pag-atake, walang armadong pananakop, walang organisadong banta. Kung gayon, ano ang tunay na nangyari? Panic? Script? O isang desperadong pagtatangka upang likhain ang imahe ng kaguluhan?
At habang nalilito ang publiko, lalong nalantad ang kahinaan ng ating sistema. Ang mga dapat nagpapatupad ng batas ay nagkanya-kanya ng kilos. Ang mga ahente ng gobyerno, pulisya, at security personnel ay mistulang nawalan ng malinaw na command structure. May nagtutulakan, may nag-aagawan, may tila hindi alam kung sino ang dapat sundin. Sa mata ng mundo, hindi ito larawan ng isang matatag na estado — kundi larawan ng isang gobyernong hindi kayang kontrolin maging ang sarili nitong bakuran.
Lalo pang nadagdagan ang kahihiyan nang isang mataas na personalidad na may kinakaharap na mabigat na usapin ay nakitang mabilis na nailayo sa sitwasyon, na sinamahan pa ng isang mambabatas. Ang eksenang ito ay lalong nagpatibay sa matagal nang impresyon ng marami: na sa Pilipinas, may batas para sa ordinaryong mamamayan at may ibang batas para sa makapangyarihan.
Hindi na bago sa atin ang intriga sa pulitika. Ngunit ang kaibahan ngayon, ang buong mundo ang nanonood. Sa panahon ng livestreams, viral videos, at global news coverage, bawat sigaw, bawat pagtakbo, bawat putok, at bawat eksena ng kaguluhan ay naiuukit sa pandaigdigang imahe ng bansa.
Habang ang ibang bansa ay abala sa pagpapalakas ng ekonomiya, teknolohiya, at diplomasya, tayo nama’y nagiging viral dahil sa gulo sa loob mismo ng mga institusyong dapat nagpapakita ng dignidad at kaayusan. Sa halip na respeto, aliw at pangungutya ang nakukuha natin.
Ang pinakamalaking trahedya rito ay hindi lamang ang kahihiyang dinadala nito sa bansa. Mas mabigat ang epekto nito sa tiwala ng mamamayan. Kapag ang mga institusyong dapat sandigan ng batas ay nagmumukhang magulo at magkakawatak-watak, paano pa maniniwala ang ordinaryong Pilipino na may direksyon ang pamahalaan?
Sa dulo, ang tunay na talo rito ay hindi ang isang kampo o isang personalidad. Ang talo rito ay ang pangalan ng Pilipinas.
At sa mata ng mundo ngayon, hindi statesmanship ang ating ipinapakita — kundi isang pambansang eskandalo na mistulang political circus na walang direktor, walang disiplina, at walang malinaw na wakas.
