Ni Tracy Cabrera

SENADO, Lungsod ng Pasay — Sa hanay ng mga tinaguriang “distinguished” at “honorable” na mga senador—tulad nina Robinhood Padilla at Rodante Marcoleta—mistulang naging isang “circus” ang bulwagan ng Senado dahil sa mga naganap nitong nakalipas na ilang araw.
Ang mas naging kontrobersyal ay ang insidente kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na tila hinabol umano ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) hanggang sa hagdanan.
Nakakalungkot umano ang sinapit ng dating hepe ng PNP sa naturang pangyayari, na anila’y nagmukha siyang tampulan ng katatawanan.
Ayon sa ilang kritiko, “Akala namin sobrang tapang niya (dela Rosa), pero ‘a-tapang a-tao’ lang pala.”
Gayunman, ipinaalala rin ng iba na si Senador Bato ay may kaugnayan sa mga kontrobersiya ng nakalipas na administrasyon, kabilang ang mga operasyon ng ‘Oplan Tokhang’ na binatikos dahil sa mga kasong kinasasangkutan ng mga inosenteng biktima.
Sa gitna ng umiikot na mga ulat at reaksyon, lumutang din ang alegasyon na may kinalaman umano sa dating Senate President Tito Sotto ang pangyayari, na sinasabing bahagi ng hakbang upang hindi makaboto si Dela Rosa sa isang mahalagang usapin sa Senado.
Ayon sa mga paratang, umano’y nakipag-ugnayan si Sotto sa ilang kaalyado at mga tagalabas upang bantayan ang pagdating ni Dela Rosa sa Senado. Kabilang umano sa mga nabanggit ay ang dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV at ilang tauhan ng NBI.
Iniulat din na pinahintulutan umano ang presensya ng mga NBI agents sa loob at paligid ng gusali ng Senado, habang may koordinasyon sa Office of the Sergeant-at-Arms.
Gayunman, hindi umano nagtagumpay ang naturang hakbang, at nakaboto pa rin si Dela Rosa sa sesyon kung saan nahalal si Senador Alan Peter Cayetano bilang bagong Senate President.
Kasunod nito, nagkaroon ng malawakang pagbabago sa liderato ng Senado, na nagdulot ng tensyon at kaguluhan sa institusyon. Naiulat din ang pagbibitiw ng ilang opisyal ng seguridad matapos ang insidente, kasabay ng ulat ng alitan sa pagitan ng NBI at Senate security personnel.
Sa kabuuan, nananatiling mainit ang usapin at patuloy na pinagdedebatehan ang mga pangyayari sa loob ng Senado, na nag-iwan ng seryosong tanong tungkol sa seguridad, proseso, at institusyonal na kaayusan sa mataas na kapulungan.
ia/xf
