Ni Tracy Cabrera

MALAKANYAN, Maynila — Wala na sa kustodiya ng Czech authorities si dating kinatawan ng Ako Bicol party-list na si Elizaldy “Zaldy” Co, batay sa komunikasyon mula sa Chargé d’Affaires ng Czech Republic na unang nagkumpirma ng kanyang pagdetine.
Ayon kay Palace press officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Clarissa “Claire” Castro-Seechung, kinumpirma ng Czech diplomat na sumailalim sa imbestigasyon si Co matapos siyang maharang sa tangkang pagpasok sa Czechia nang walang kaukulang travel documents.
Ang kumpirmasyon ng pansamantalang pagdetine kay Co ay direktang ibinahagi ng Czech envoy sa pulong nito kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Kasunod ito ng naunang pahayag ng Pangulo sa social media na nagsasabing naaresto ang dating mambabatas.
Gayunman, nagkaroon ng kalituhan matapos bumisita si Justice Secretary Fredderick Vida sa Prague, kung saan lumabas na wala na sa kustodiya ng Czech authorities si Co.
“Czech authorities have informed us that Mr. Zaldy Co is no longer in their custody,” pahayag ni Vida.
Ayon naman sa hiwalay na ulat, ang dating chairman ng House Committee on Appropriations ay sinasabing nasa kustodiya ng French authorities at humihiling ng asylum, kasunod ng kanyang alegasyon ng political persecution.
Bagama’t hindi pa ito opisyal na kinukumpirma ng France, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakatanggap sila ng “highly reliable information” hinggil sa asylum petition ni Co.
“He has been requested to be transferred to and is now under the jurisdiction of French authorities,” ani Castro-Seechung, at idinagdag na inatasan na ang mga Philippine diplomatic post sa Europa na beripikahin ang mga bagong ulat tungkol sa puganteng mambabatas.
ia/xf
