Ni Tracy Cabrera

MARAMI ang nagtatanong kung tunay nga bang ill-gotten wealth, yaman ng Pangalawang Pangulo ‘Inday’ Sara Duterte-Carpio, na hanggang ngayon umano’y patuloy na lumalaki.
Ayon sa mga balitang nakakalap habang madusing sinusuri ang yaman ni VP Duterte kasabay ng impeachment proceedings, kapansin-pansin umano ang tuloy-tuloy na pagtaas ng kanyang net worth batay sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Batay sa opisyal na datos simula noong 2016, higit sa dobleng itinaas ang kanyang yaman, na umabot sa P88.51 milyon noong 2024. Pinakamalaki ang pagtaas noong 2017, habang may mga kapansin-pansing pag-akyat din noong 2021 at 2024.
Sa gitna ng yamang ito, sinasabing malaki ang naging ambag ng real properties sa kabuuang yaman ni Duterte, na umabot sa P66.81 milyon o halos tatlong-kapat ng kanyang net worth. Lumago rin ang halaga ng kanyang personal properties, na umabot sa mahigit P31 milyon sa parehong panahon.
Ipinapakita rin sa tala na halos taun-taon siyang bumibili ng ari-arian mula 2013 hanggang 2024, maliban noong 2020 at 2021. Kabilang sa mga bagong acquisition ang isang P10-milyong residential lot sa Davao City, isa sa pinakamahal sa kanyang listahan.
Karamihan sa 29 na ari-arian ng bise presidente ay nasa Davao City at Island Garden City of Samal, habang iilan lamang ang nasa Metro Manila. Ilan sa mga ito ay nakapangalan din sa kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio.
ia/xf

