
MANILA — Umalma ang ABS-CBN laban sa kumakalat na ulat, na ayon sa kanila ay bahagi lang ng matinding sigalot sa loob ng pamilya hinggil sa kinabukasan ng kumpanya.
Giit ng network, ginagamit umano ang isyu ng retirement fund para palabasing may malasakit sa empleyado—pero hindi raw ito totoo. Ayon sa kanila, may isang direktor pa nga ang nagmungkahi noon na tuluyang isara ang kumpanya nang hindi malinaw kung paano babayaran ang mga obligasyon sa mga manggagawa.
Depensa ng ABS-CBN, ang malaking bawas sa pension fund ay dahil sa pagbibigay ng benepisyo sa halos 6,000 empleyadong naapektuhan matapos mawala ang prangkisa noong 2020. Patunay umano ito na tinutupad nila ang kanilang obligasyon.
Pinabulaanan din nila ang alegasyon na may “paborito” o espesyal na 68 indibidwal sa payout. Sa katunayan, ayon sa kumpanya, karamihan sa mga ito ay hindi pa buo ang natatanggap at pumayag pang maghintay para mauna ang ibang empleyado.
Itinanggi rin ng ABS-CBN ang claim na may ₱2 bilyong pondo para sa retirement pay, na sinasabing suportado raw ng board—maliban sa isa.
Ayon sa kumpanya, ang sunod-sunod na pag-atake sa publiko ay hindi nakakatulong sa libo-libong empleyado na nagsikap para manatiling buhay ang network.
Bagama’t aminadong may alitan sa pamilya, iginiit ng ABS-CBN na hindi dapat ito isinasapubliko—pero handa silang lumaban kontra sa mga “hindi totoo.”
ia/xf
