By Tracy Cabrera

NFP, Lungsod ng Navotas — Sa gitna ng napaulat ng kakulangan ng supply ng ilang pagkain, kapansin-pansing dumoble ang huli ng galunggong (round scad) sa Navotas Fish Port Complex (NFP) complex nitong nakaraang buwan ng Marso.
Ayon sa Philippine Fisheries Development Authority (PFDA), umabot sa 16,165.52 metrikong tonelada (MT) ng popular na isda ang nahango, mas mataas sa naitalang 8,161.92 MT noong 2024. Kabilang dito ang dalawang uri ng galunggong—9,731.68 MT ng shortfin scad at 6,433.84 MT ng bigeye scad.
Ikinatuwa ni PFDA General Manager Glen Pangapalan “na nagawang gampanan ng Navotas Fish Port Complex ang pangangasiwa sa mataas na volume ng huli upang matiyak ang maayos na pagdiskarga at distribusyon sa lokal na supply chain.”
Krinedito ni Pangapalan ang magandang peak season harvest sa pinagandang fishing condition at recovery ng fish stock sa panahon ng closed season, na ipinatutupad taun-taon mula Nobyembre 1 hanggang Enero 31 para lumagong muli ang populasyon ng mga isda.
Nagbigay din ng reaksyon si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na tinukoy “Ang isang dekadang implementasyon ng closed fishing season policy (. . .) na lubhang nakatulong sa recovery ng fish stocks.”
“We are now seeing the results in higher and more stable landings,” pinunto ng kalihim habang itinuran din na ang positibong development ay sumasalamin sa patuloy na sigla ng domestic fisheries sector, na lay mahalagang bahagi at kontribusyon sa food supply stability ng ating bansa.
Idinagdag ni Tiu Laurel na maaaring nakatulong din dito ang maagang pagsapit ng El Niño na umaapekto marahil sa migration pattern ng mga isda at nagpaigting sa catch efficiency ng mga mamalakaya.
Sa pagbalik naman kay Pangalapan, binanggit nito ang halaga ng pagpapanatili ng tuluyang pagpapaganda’t pagsasaayos ng mga asilidad sa post-harvest, logistics at cold storage na kinakailangan sa pagpapatatag ng fish sector.
“Strengthening infrastructure will help minimize losses and ensure that increased landings translate into better quality fish and improved returns for stakeholders,” kanyang idiniin.
ia/xf
