
Ni Tracy Cabrera
MALACAÑAN, Maynila — Iminumungkahi ng pamahalaan sa pribadong sektor ang work-from-home setup upang makatulong na mabawasan ang konsumo ng gasolina at maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Clarissa “Claire” Castro-Seechung, habang isinusulong ang naturang sistema sa mga pribadong establisimyento, nasa pamamahala pa rin ng mga ito ang desisyon kung ipatutupad ang ganitong setup.
“Kung iyan ang magiging panukala ng mga pribadong kumpanya, malaking tulong na ‘yan. Pero siyempre, hindi naman didiktahan ng Pangulo ang mga pribadong kumpanya,” aniya.
Binanggit din niya na malaya ang mga kumpanya na magdesisyon sa kani-kanilang work arrangement na makabubuti sa kanilang operasyon at mga manggagawa.
Samantala, sinabi rin ng kalihim na pinag-aaralan pa ng pamahalaan ang panukalang wage subsidy ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) para sa mahigit limang milyong minimum wage earners sa bansa.
Sa opisyal na pahayag, hiniling ng TUCP sa administrasyong Marcos Jr. na magbigay ng ₱5,000 monthly wage subsidy para sa mga manggagawa na kumikita ng minimum o mas mababa pa sa bawat buwan.
“If there is a fuel subsidy for the transportation sector, there should also be a wage subsidy for our more than five million minimum wage earners,” ayon kay TUCP President Atty. Raymond Democrito Mendoza.
Tumugon naman si Castro na “no option is off the table,” ngunit kailangan munang balansehin ang mga prayoridad at unahin ang mga sektor na pinakaapektado ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
“Handa ang ating gobyerno na tumulong sa loob ng limitasyon ng kasalukuyang national budget,” diin niya.
ia/xf
