
MANILA — Nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya kung namatay sa pagkakalunod ang isang bebot matapos itong matagpuan na walang malay sa gilid ng dagat sa isang resort sa Tanza, Cavite, kamakalawa ng gabi.
Isinugod pa sa Tanza Doctors Hospital ang biktimang si Precious, ngunit wala na itong pulso nang dumating sa ospital.
Ayon sa ulat, isang pamilya ang nagtungo sa Garden Coast sa Brgy. Capipisa, Tanza, Cavite upang maligo at ipagdiwang ang Easter Sunday.
Inakala ng pamilya na natutulog lamang ang biktima sa loob ng kanilang inupahang cottage, ngunit nang puntahan ito bandang alas-10:00 ng gabi, wala na ito sa loob.
Naghanap ang pamilya hanggang sa matagpuan nila ang biktima sa gilid ng dagat na walang malay.
Agad itong isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.
(Gene Adsuara)
